Utak talangka at sugal sa Calabarzon

UTAK TALANGKA! ‘YAN parekoy ang isang asal ng Pinoy na siyang dahilan kaya hindi tayo umaangat sa buhay.

Dahil sa halip na magsumikap sa buhay ay masyado nating inaabala ang ating mga sarili sa pag-hila pababa sa mga kababayan nating umaasenso!

Kunwari ay metikuloso tayo, kunwari ay concern tayo sa katwiran at katotohanan. Pero sa totoo lang ay may inggit na namumugad sa ating puso! P’we!

Gaya na lang sa asal nitong dating hepe ng National Defense College na si Prof. Clarita Carlos. Tumitilamsik talaga ang laway ng animal sa pagkontra sa ranggong Lt. Col. na ipinagkaloob ng pamunuan ng AFP kay Sarangani Rep. Manny Pacquiao.

Ang kanyang katwiran, parekoy, ay singbabaw ng kanyang tumbong! Kesyo, bilang reserve na Lt. Col. ay maaari raw pamunuan ni Rep. Pacquiao ang isang batalyong sundalo kung may national emergency. At mapapahamak lang umano ang mga sundalong mailalagay sa nasabing batalyon.

Matanong nga natin itong inggiterang professor, ano ba ang mga ranggo, ano ang mga kurso at saang academy nagsipagtapos ang ating matatapang na bayani? Si Lapu-lapu ba ay college graduate o Lt. Col. bago niya napatay ang mananakop na si Magellan?

At isa pa, hindi ba alam ng inggiterang ito at ng kanyang mga katulad na sa Armed Forces of the Philippines ay may iba’t ibang sangay at trabaho maliban sa pakikipagdigma? Gaya ng finance, engineering, civil relation, training center at kung anik-anik pa?

Ibig kong sabihin, parekoy, kung sakali ngang magkaroon ng national emergency, hindi ba maaaring mailagay si Pacquiao bilang opisyal sa isang training center o kung saan mang sangay na magiging kapaki-pakinabang siya?

Sa totoo lang, kahit si Prof. Carlos ay maaaring bigyan ng maselang posisyon kung sakali ngang magkaroon ng national emergency. Hepe ng “tawiwit brigade”.

Tagapagkalat ng masamang tsismis laban sa kalaban! Hak, hak, hak!

Akala ko noon, ang utak-talangka ay eksklusibong pagmamay-ari ng mga walang pinag-aralan! Mas delikado pala, parekoy, kung ang meron nito ay ang matataas ang pinag-aralan.

Ngunit hindi ginagamit ang utak! Na utak-talangka nga! Bwar, har, har!

NAGTATAKA ANG MARAMING LOKAL na opisyal sa Calabarzon dahil sa naglipanang iligal na sugal sa kanilang lugar.

Ito, parekoy, ang erya ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon, kung saan ang Regional Director ng PNP ay si General Gil Meneses. Ito rin ang lugar na inikutan ng isang police major at isang Danny de Belen na dating collector ng CIDG.

Kaya nga nalilito ang nasabing mga lokal na opisyal dahil ang buong akala nila, ang mga gambling lord ay bahag ang buntot sa pulis. Mali raw sila, dahil ang mga pulis pa ang nagsisilbing protector ng mga gambling lord! Para tuluy-tuloy ang collection nina major at de Belen!

Ang masakit, parekoy, bitbit ng mga ito ang pangalan ni Gen. Meneses! Ano ba ‘yan dyeneral, collectors mo ba sila?

Bagman mo ba sila? O baka naman, ol op de abab! Hak, hak, hak!

Makinig sa aking programang “ALARMA Kinse Trenta”, Lunes-Biyernes, 6-7 am, sa DZME 1530 kHz, at may “live stream” sa www.dzme1530.com. E-mail: [email protected]; call or text 09321688734.

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleClaire dela Fuente, ginapang na matsugi si Imelda Papin at alaga nito sa reality show?!
Next articlePaulo Avelino, sobrang break ang ibinibigay ng Dos!

No posts to display