Dear Atty. Acosta,
ITATANONG KO LANG po sana kung ano ang dapat naming gawin kasi po ay pumirma ako bilang co-maker sa pagkakautang ng borrower. Ngayon po ay hindi na makita ang borrower. – Juan San Miguel
Dear Juan San Miguel,
BILANG ISANG CO-MAKER ay na-ngangahulugan na ginagarantiyahan mo ang pagkakautang ng isang tao o ang kanyang kakayahang bayaran ito. Sa legal na pananalita, ikaw ay isang guarantor at ang iyong pinirmahan ay ang tinatawag na contract of guaranty. Alinsunod sa Article 2047 ng New Civil Code, kung sakaling hindi makabayad ang pangunahing may utang o ang taong iyong ginarantiyahan, ikaw ang magkakaroon ng pananagutan sa kanyang pinagkakautangan o sa creditor.
Subalit ayon sa Article 2058 ng New Civil Code, bilang isang guarantor, hindi ka maaa-ring pagbayarin ng creditor hangga’t hindi niya isinasagawa ang lahat ng paraang legal laban sa pangunahing may utang o hangga’t may ari-arian pa itong natitira na maaa-ring magamit sa pagbabayad ng kanyang pagkakautang. Ito ang tinatawag na “excussion”. Para magamit mo ang “excussion”, kailangan mong ipahayag sa creditor ang pagnanais mo na gamitin ito kapag hiningi na niya sa iyo ang kabayaran ng iyong ginarantiyahan. Kasabay nito, kailangan mong ituro sa kanya ang mga ari-arian sa Pilipinas ng pangunahing may utang. Kailangan ding ang nasabing ari-arian ay sapat para mabayaran ang pagkakautang nito. (Article 2060, New Civil Code)
Kung sakaling wala nang karampatang ari-arian at kakayahang magbayad ang iyong ginarantiyahan, bilang guarantor, ikaw na ang magbabayad sa nasabing pagkakautang. Kapag ito ay iyong binayaran, malilipat sa iyo ang mga karapatan ng creditor ukol sa pagkakautang. Nakasaad sa Article 2066 ng New Civil Code ang mga dapat bayaran sa iyo ng iyong ginarantiyahan: “Article 2066. The guarantor who pays for a debtor must be indemnified by the latter. The indemnity comprises: 1.The total amount of debt; 2. The legal interests thereon from the time the payment was made known to the debtor, even though it did not earn interest for the creditor; 3. The expenses incurred by the guarantor after ha-ving notified the debtor that payment had been demanded of him; and, 4. Damages, if they are due.”
Lagi po ninyong tandaan na kailangan ninyong ipaalam sa inyong ginarantiyahan ang inyong ginawang pagbabayad ng kanyang pagkakautang. Kung ang iyong ginarantiyahan ay nagbayad pa rin dahil hindi ninyo naipaalam sa kanya ang inyong pagbabayad, hindi na maaaring hingin sa pangunahing may utang ang mga nasasaad sa Article 2066 ng New Civil Code. Maaari mo na lamang hingin sa creditor na ibalik sa iyo ang iyong mga ibinayad.
Atorni First
By Atorni Acosta