Utang ng anak ko, kargo ko?

Dear Atty. Acosta:

GUSTO KO PO sanang ikonsulta at ihingi ng payo ang aming problema ng anak ko sa credit card.

Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa rin akong nagbabayad. Iyon nga lang nitong nakaraang apat na buwan ay hirap na po ako, kaya pinadadalhan na ako ng demand letter saka complaint na isasampa raw sa korte. P’wede po ba iyon, kahit nagbabayad pa rin ako. Obligasyon ko po ba ang utang ng anak ko?

Nagkasakit sa puso ang anak ko pagkaraan ng 6 na buwan sa trabaho sa ibang bansa, kaya nabawasan ng ½ ang kanyang padala. Malaki ang hospital bill na sinisingil sa kanya at nitong Oktubre ay na-lay-off na siya. Paano na po ang ganitong situwasyon? Sana po tulungan n’yo ako. Kung ‘di po ninyo mamasamain, sana ako ay masagot n’yo sa sulat.

Sumasainyo,

Cesar

MAY KARAPATANG magdemanda ang Credit Card company para makasingil sila sa kanilang pautang sa inyong anak, kung ang nasabing utang ay matagal na hindi nabayaran. Sa inyong pagsasaad sa inyong liham, sinabi ninyo na apat na buwan kayong hindi nakapaghulog ng buwanang bayad sa nasabing kumpanya, kung kaya sila ay napilitang magpadala sa inyo ng “Demand letter” at kung hindi ninyo ito natutugunan ay mapipilitan silang magsampa ng kaukulang demanda sa korte.

Subalit huwag kayong mabahala, hindi kayo ang dapat na sampahan ng kaso kundi ang inyong anak. Ito ay sapagkat siya ang na-ngutang sa nasabing kumpanya, makatuwiran lamang na siya ang magbayad. Maliban na lamang kung kayo ay umaktong “Co-maker” o “Guarantor” sa nasabing pag-utang.

Ayon sa batas, ang isang guarantor ay nangangakong babayaran ang utang ng iba kung sakaling hindi ito mabayaran ng huli dahil wala na siyang pambayad. (Article 2047, New Civil Code of the Philippines) Sa kabilang banda, ang isang “co-maker” ay itinuturing na isa sa mga umutang. Obligado niyang bayaran ang kabuuan ng utang kung ito ay hindi mabayaran, kapag siya ay siningil o idinemanda, kahit na hindi pa sinisingil ang tunay na nangutang.

Ganu’n pa man, mas makabubuting kayo ay makipag-ugnayan sa lehitimong tauhan ng “Credit Card company”, una para malaman kung magkano na ang tamang halaga ng inutang. Pangalawa, para makipagkasundo na lamang at bayaran ang utang ng anak para maiwasang humantong pa sa pagdulog sa hukuman ang paniningil sa kanya. Maari rin kayong makiusap sa kanila na kung maaari ay ibaba o alisin na lamang ang interes ng utang o kaya naman ay humingi ng panibagong kasunduan tungkol sa pagbabayad dito. Ang lahat ng ito ay magagawa ninyo kung kayo ay makikipag-ayos sa kanila.

Huwag kayong mabahala o mag-alala dahil walang nabibilanggo sa simpleng pag-utang kung walang halong panloloko. Ito ay ginagarantiyahan ng Saligang Batas ng Pilipinas. (Sec 20, Art III, 1987 Philippine  Constitution).

Kayo ay aming inaanyayahan na manood ng “Public Atorni” sa TV5 tuwing Huwebes ng gabi pagkatapos ng Aksyon Journalismo.

Atorni First
By Atorni Acosta

Previous articlePantawid-gutom program ni P-noy, palpak!
Next articleBig Dome, Dumagundong kay Bruno Mars!

No posts to display