Dear Atty. Acosta,
MAGANDANG ARAW po sa inyo. Nais ko po sanang itanong kung ang pagkakautang ba ay namamana o naipapasa sa mga anak kapag may nangyaring masama sa magulang na nagkautang?
Sa kasalukuyan po ay naka-confine ang aking ina sa ospital dahil po sa isang malubhang karamdaman na ang suspetsa ng doktor ay stage 4 nang kanser. Siya po ay dating nagtitinda at may puwesto siya sa Central Business District. Siya po ay nagkautang sa iba’t ibang tao. Ang iba ay may pinirmahan daw siyang mga dokumento ng pagkakautang at ang iba naman ay verbal na lang ang kanilang usapan. Ngayon, ako po ang nagbabantay sa puwesto namin. Ang mga pinagkakautangan niya ay naniningil po sa akin. Kaya gaya po ng aking katanungan, ano po ang aking magiging pananagutan kung hindi ko sila mabayaran? Ano’ng maaaring gawin ng mga pinagkakautangan ng ina ko sa kanya kapag hindi niya nabayaran ang kanyang pagkakautang? Maaari po bang makasuhan ang aking ina kahit nasa ospital at naka-confine siya?
Sana po ay maliwanagan at matulungan ninyo ako sa aking suliranin. Hihintayin ko po ang inyong kasagutan.
Lubos na gumagalang,
Noli
Dear Noli,
UKOL SA iyong unang katanungan kung naipamamana o naipapasa ba ang utang ng magulang na sumakabilang buhay na sa kanyang anak, ayon sa Article 42 ng ating New Civil Code:
“Art. 42. Civil personality is extinguished by death. The effect of death upon the rights and obligations of the deceased is determined by law, by contract and by will.”
Ibig sabihin nito ay ang karapatan at obligasyon ng isang yumao ay maaaring kontrolado pa rin ng mga kontratang kanyang pinasok noong siya ay nabubuhay pa, ng kanyang huling habilin o ng batas.
Samakatuwid, maiging tingnan mo ang mga dokumento ng pagkakautang na pinirmahan ng iyong ina. Ang mga partido sa kasunduan ay may karapatang magtakda ng mga termino at kondisyon sa kanilang kasunduan basta’t ang mga ito ay hindi taliwas sa batas, moral, mga nakasanayang kustomiya, pampublikong kaayusan o sa pampublikong polisiya.
Kung ang kasunduang pinirmahan ng iyong ina ay nagsasabing mawawala na ang kanyang pagkakautang sa oras ng kanyang pagpanaw, wala kayong obligasyong bayaran ang kanyang pagkakautang. Sa kabilang banda, kung wala sa napagkasunduan na mawawala ang utang ng iyong ina sa oras ng kanyang pagpanaw, ang mananagot sa pagbabayad ay ang ari-ariang maiiwan ng iyong ina o ang estate ng iyong ina. Maaaring magsampa ng demanda laban sa estate ng iyong ina ang kanyang mga pinagkakautangan alinsunod sa Section 5 ng Rule 86 ng ating Revised Rules of Court na nagsasaad na:
“Sec. 5. Claims which must be filed under the notice. – If not filed, barred; exceptions. All claims for money against the decedent, arising from contract, express or implied, whether the same be due, not due, or contingent, all claims for funeral expenses and expenses for the last sickness of the decedent, and judgment for money against the decedent, must be filed within the time limited in the notice; otherwise they are barred forever, except that they may be set forth as counterclaims in any action that the executor or administrator may bring against the claimants. Where an executor or administrator commences an action, or prosecutes an action already commenced by the deceased in his lifetime, the debtor may set forth by answer the claims he has against the decedent, instead of presenting them independently to the court as herein provided, and mutual claims may be set off against each other in such action; and if final judgment is rendered in favor of the defendant, the amount so determined shall be considered the true balance against the estate, as though the claim had been presented directly before the court in the administration proceedings. Claims not yet due or contingent, may be approved at their present value.”
Ukol naman sa iyong iba pang mga katanungan, ngayong nabubuhay pa ang iyong ina, wala kang pananagutan sa kanyang pinagkakautangan kung hindi mo sila mababayaran sapagkat ang kanyang mga utang ay personal niyang responsilidad. Kung hindi makapagbayad ang iyong ina, maaaring magsampa ng kasong Action for Collection for Sum of Money ang kanyang pinagkakautangan laban sa kanya. Ito ay kahit na nasa ospital at nakaratay roon ang iyong ina.
Nawa ay nabigyang-linaw namin ang inyong mga katanungan.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta