Utos ng Hari

SA ISANG malayong kaharian, isang may malubhang sakit na hari ang nagpatawag sa pito niyang matalik na kaibi-gan. Garalgal na winika niya: Bibigyan ko kayo ng tig-iisang punla ng isang mahiwagang puno. Kung sino ang makapagpalaki nito na mahigit sa sampung talampakan, sa kanya ko ipamamana ang aking kaharian. Humayo kayo at bumalik ‘pag natupad ang aking hiling.

At humayo silang lahat at dagli-dagling itinanim ang mahiwagang punla.

Pagkaraan ng dalawang taon, sabay-sabay bumalik ang anim dala-dala ang punla na pinatubo nila. Lahat halos na dinala ay mga puno na lampas ang taas sa sampung talampakan. Maliban sa isa na ang dala ay ang punla na binigay sa kanya ngunit ‘di tumubo para maging puno.

Paiyak niyang wika sa hari habang nakaluhod: Kamahalan, patawarin po ninyo ako. Itinanim ko po ang punla subalit ayaw talagang tumubo. Handa po ako sa parusang inyong ipapataw.

Ngumiting sumagot ang hari: Huwag kang mangamba. Sa iyo ko ipagkakaloob ang aking kaharian. Isang pagsubok ang ibinigay ko sa inyo. At ikaw ang nagwagi, sapagkat ikaw ang nagsabi ng katotohanan.

Bakit po, tanong ng umiiyak na kaibigan.

Sumagot ang hari: Ang punlang ibinigay ko sa inyo ay ‘di talaga tutubo o lalaki. Malinaw na ikaw ang nagsabi ng katotohanan.

SAMUT-SAMOT

 

‘DI IILAN ang nagtatanong kung bakit ako ‘di nauubusan ng paksa sa Pitik-Bulag. Saan ko raw hinuhugot ang mga ito. Araw-araw maraming nangyayaring makahulugan sa ating kapaligiran. Kailangang mabilis at malalim ang pananaw mo. Ito ay isang gift sa manunulat. Paksa ko ay mga pangkaraniwang tao, kapupuot o kakatuwang sitwasyon na kalimitan ay ‘di natin mapapansin. Sa mga ito ako kumukuha ng materyales at buong puso kong isinusulat.

PAGTANDA NG isang tao, maikli ang gabi at mahaba ang araw. Kontento na ako sa 4-5 oras na tulog. Tulog ng 11:00 P.M. at gising ng alas 4:00 A.M. Gusto ko pa sanang matulog sa oras na ito, subalit bigo ako. Kung anu-anong pag-iisip na balisa ang pumapasok. Marami ring parte ng katawan ang sumasakit, ‘di mo alam kung bakit. Sa oras na ito ako paminsan-minsan sinusumpong ng kabag. Lalo mong isipin, lalong sumasakit.  Ito’y kalbaryo ng pagtanda. Walang lunas. Just tiis.

PAGBABASA NG buhay ng mga santo ay nagpapataba sa kalusugan at kaluluwa. Ginawa ko nang habit ito. Paulit-ulit kong binabasa ang talambuhay ni St. Therese Little Flower. Very inspiring and spiritually stimulating ang kanyang naging buhay sa paglilingkod sa Diyos. ‘Di siya kagaya ng mga martyr na nagbuhos ng dugo sa pananampalataya. Buong buhay niya naubos sa loob ng kumbento. Subalit extra-ordinary holiness ang naging halimbawa niya. So, inspired ako, kaya ang una at kaisa-isa kong anak ay pinangalanan kong Therese. Sundin ninyo ako. Maging devotee tayo sa kanya.

ILANG TULOG na lang, Pasko na. Goodbye 2012. Hello 2013. Masarap at malungkot na lingunin ang lilipas na taon. Maraming hamon at pakikibaka. May halakhak ng tagumpay. May tamis, may pait. Ganyan ang gulong ng buhay. Mahalaga, tayo’y buhay pa at patuloy na umaasa sa bagong pag-asa. ‘Di salapi, ‘di kapangyarihan ang pagkaabalahan. Mabuting kalusugan, masayang pamilya ay sapat nang grasya at kaligayahan.

HANGGANG NGAYON, ang hapdi ng pagkamatay ng isang UST graduate sa kamay ng dalawang pedicab drayber sa Cavite ay nakabaon pa sa aking puso. ‘Di ko siya kaanu-ano. Ngunit naramdaman ko ang pighati ng kanyang naiwan. Bente anyos at cum laude graduate. May napakagandang hinaharap ngunit kinitil ng isang kabaliwan. Lahat ay maaaring dumanas ng krisis sa buhay. Biglaan. Tanging ang pagkapit sa Diyos ang lunas.

KUNG RESULTA ng poll surveys ang pag-uusapan, tapos na ang eleksyon sa Maynila. Run-away ang Erap-Isko tandem. Ngunit ‘pag sila’y naluklok, ang laking sakit ng ulo. Bangkarote na diumano ang City Hall. Kamakailan, pinutulan ng ilaw at tubig ang ibang opis ng kapulisan. Maraming casual employees ang ‘di pa sumasahod. Sadsad na sa problema ang lungsod. Hamon kay Erap-Isko ang pagbabangon ng Maynila.

‘DI PA rin ako makapaniwala na 18 taon ang naatas na ipaglilingkod ni CJ Sereno. ‘Di ba napakahaba nito? Subalit may advantages din ito. Magagawa niya ang much-needed reforms at may continuity ang kanyang programa. Kaila-ngang linisin ang ating criminal justice system. Walisin ang mga misfits at scalawags. Ibalik ang tiwala ng mamamayan sa judiciary.

DAPAT PASPASAN ang pagpapatupad ng private partnerships projects. Ang daming nakabinbin na ‘di nakatutulong sa pagtulak ng ekonomiya. Napakahinang kumilos ng Pangulo. Samantala, tingnan natin kung wasto ang desisyon na paghirang kay DILG Mar Roxas. Tila wala pang gumagalaw sa DILG. Masyadong over-rated si Mar. As a legislator, ayos siya. Subalit as an executive, question mark.

WALA NA bang puwedeng pumatay sa sindikato ng nagpapalimos na pulubi sa Kamaynilaan? Inhuman ang trato sa kanila. Nasaan ang simbahan at concerned civic groups. Problemang ito ang dapat nilang unahin. Nakaaawa ang mga bulag na pulubi na hanggang hating-gabi ay nagpapalimos. Nasaan ang ating konsensya. Maaari kayang tutukan ng bagong Cardinal Luis Tagle ito?

NAMATAY NA ‘ata ang apoy ng tourism campaign. Wala nang masyadong publisidad sa “It’s more fun in the Philippines.” Gising DOT Sec. Ramon Jimenez. Maganda ang simula subalit tila kinakapos. ‘Wag tayong ningas-cogon.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articlePinoy Parazzi Vol 6 Issue 1 December 3 – 4, 2012
Next articleSPO1 Manayan, Timbog sa Pangalawang Pagkakataon

No posts to display