Utot

ANG BAHO naman ng ating paksa. Subalit ‘di naman masamang pag-usapan.

Ang utot ay tinatawag sa ingles na “great leveler.” Bakit? Sapagkat lahat ay umu-utot. Mayaman, pulubi, haring bughaw. Walang exception. Sa utot, lahat ay pantay-pantay.

Medically ang utot ay nanggagaling sa naipon – at umiikot – na hangin sa sikmura. Ang ha-

nging ito’y pumapasok sa ating bunganga ‘pag tayo’y nagsasalita, ‘pag kumakain. Kadalasan ang acid sa sikmura ay nanggagaling sa hangin. Kung ‘di mailabas – sa pamamagitan – ng utot, manga-ngasim ang ating tiyan. Sa ingles, hyperacidity. O ‘pag lumala, ulcer o gastric pains.

May isa akong kaibigan sa kolehiyo na super pala-utot. Biro mo, kada 5 minutong ginawa ng Diyos, sunud-sunod na utot. Dahil dito, napilitang huminto ng pag-aaral at naging social recluse. ‘Di puwedeng manligaw o mag-asawa. Papaano siya makapagpo-propose o makipag-date kung maririnig ang huni ng utot? At kalimitan may amoy pa.

Ako man, paminsan ay biktima ng madalas na pag-utot. Nagsimula ito nang alisan ako ng gall bladder. Wala na akong panunaw. ‘Pag ang atake ng pag-utot, dadagundong at parang may ipu-ipo sa sikmura ko. Masakit. Mahapdi. Tila nilalaslas ng labaha. Pagkatapos, ayan na ang sunud-sunod na utot. Siste, ‘pag minsan, habang kumakain kaya takipan ng ilong at bibig ang mga kasama sa mesa. Talagang diyahe.

May isang salbahe na naghamon ng pahabaan ng utot. May katuwiran. Ang damuho ay umutot nang mahigit na 20 segundo sa gitna ng halikhikan at tawanan ng mga nagmamasid. Ang sikreto: kumain siya ng 2 kilong kamote.

Sige na baka saan pa dumako ang paksa. Ang buhay ay hitik ng takot, saya, panganib at kababalaghan. Don’t be serious about them. I-utot na lang natin ang mga ito. He, he, he.

SAMUT-SAMOT

 

MABUTI’T HUMUPA na ang tensiyon sa Spratley at Scarborough issues. Subalit may mga armadong barko pa rin ang Tsina sa mga lugar. Sa pagpalit ng liderato ng Tsina, baka naman lalong humupa ito. Magmasid at magmanman tayo. Kalaban natin ang superpower na kinakatakutan kahit ng U.S. Sa susunod na isang dekada, mag-iibayo pa ang yaman at lakas ng Tsina. Medyo sa nuclear technology lang sila nahuhuli pa. Subalit darating din sila roon. Lahat ng kagamitan ng mundo ay halos ginagawa na sa Tsina.

KARUMAL-DUMAL ANG pagpaslang sa isang part-time ABS-CBN model kamakailan. At walang kakuwenta-kuwenta ang motibo ng pagpaslang: pagkakalat diumano ng tsismis ng biktima. Dinukot ito ng suspek sa MOA, Roxas Blvd., pagkatapos sinakal at itinapon sa isang liblib na lansangan. Nakunsensiya ang babaeng suspek na diumano nag-report ng kidnapping sa pulis. Ganitong krimen walang nagagawang hadlang ang kapulisan, in fairness to them. Kaya ‘wag naman lagi silang sisihin. Mahalaga na-resolve nang mabilis ang krimen. Palakpakan ang PNP.

PINAGTIBAY NI CamSur Gov. LRay Villafuerte na black propaganda lang ang nabalitang disqualified na si Aga Muhlach sa pagtakbo bilang diputado sa 3rd district. Gawa-gawa lang ‘yan ng Fuentebella camp na running scared na kay Aga. Nasa Comelec pa ang isyu. Paliwanag ng mabuting governador. Sabi rin niya, delikado ang laban ni Leni Robredo sa CamSur 2nd district. Natural malakas ang aking ina. Diin niya. Bow kami riyan.

DAHIL SA RTW clothes tuluyang nalugi na ang maraming tailoring shops. ‘Yong pinatatahian ko ng pantalon at barong sa Pasong Tamo sa loob ng 20 taon ay nagsara na rin kamakailan. ‘Di ko na mahanap kung nasaan. Di na kasi uso ngayon ang formal attire. Maong denim, gusot na polo shirt ang karaniwang binibili sa nagkalat na RTW stalls sa mga malls. Mas praktikal kasi. Wala nang masyadong plantsahan. Sa mga kolehiyo at unibersidad, ganito na rin ang fashion mode. The casual you attire, the better. Sanlaksa kong mga barong ay inipis na sa taguan. Gayon din mga pantalon. ‘Di ko naman maipamigay ‘pag may kalamidad. Sino ang magsusuot ng barong sa mga lugar na nabaha? Malaking pinagbago ng kultura, ugali at panahon.

NUNG AKO’Y nasa kolehiyo, P50 lang araw-araw ang allowance ko. Sakop nito ang pamasahe, meryenda at yosi. Kailangang pagkasyahin kasi mahirap padagdagan. Sa bus mula Pandacan patunong Lawton, pamasahe ay 10 centavos lang. Ang halaga ng Coke ay 5 centavos kagaya ng isang stick na Fighter cigarette. Meryenda ay 20 centavos at busog ka na. ‘Pag nag-o-overshoot ako sa budget, nagbebenta ako ng lumang diyaryo at garapa sa tindahan ng Intsik. Masarap at tahimik ang panahong ‘yon. Hinahanap ko pa ngayon.

MAHIRAP MANLIGAW nu’ng panahon ‘yon. Kai-langang may budget kang P20 sa sine at meryenda. Kundi maaari kang kapusin lalo na kung may chaperone. Malimit mangyari ito sa akin. Kaya imbes na ako’y sagutin, binabasted ako.

BRUTAL ANG mga krimen ngayon. ‘Pag biktima ay babae, ‘di maaaring ‘di i-rape bago patayin. Balaan ang mga kapatid, kamag-anak o kaibigang babae na iwasang sumakay sa pedicab lalo na kung gabi. Karamihan sa mga drayber ay durog o lasing. ‘Yung UST coed na pinatay sa Cavite ay kalunus-lunos na ehemplo. Kailangang dagdagan o paigtingin ang police visibility. At bigyan sila ng kaukulang arams.

NAKAHIHIYA – AT nakahahabag – ang sitwasyon ni Sen. Tito Sotto. Patuloy pa rin ang batikos sa kanya ng netizens tungkol sa isyung plagiarism. Kinopya diumano niya ang speech ni U.S. Pres. John Kennedy sa isang privilege speech on RH bill sa Senate. Mental dishonesty ang isyu at nakahihiyang isyu para sa ‘sang senador. In fairness, sumampalataya kami kay Tito. At kung tutuusin, walang orihinal na ideya sa mundo. ‘Di maaari siyang i-prosecute kasi protektado siya ng Constitution. Dapat tantanan na siya.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleEnchong gigil!
Next articleDerek Ramsay, nagkamali sa desisyong lumipat sa Singko?

No posts to display