Valentine’s Day? Gawing Extra Special

DALAWANG TULOG na lang, Valentine’s Day na. May plano ka na ba? Ang Valentine’s Day ay pinakaaabangan ng karamihang magkasintahan, MU at mag-asawa. Kung minsan, mga lalaki ang pasimuno ng iba’t ibang pakulo sa pagpapakilig ng kanilang sinisinta.

Kaya nga lang, malamang sa malamang, ang iba sa inyo ay nauubusan na ng mga ideya. Naku, huwag kasing ipilit na makaisip ng kakaibang paraan sa pagdiwang ng Valentine’s Day o kakaibang regalo na puwedeng maibigay sa iyong partner kung wala naman talaga. Dahil mahihirapan ka lang. Iba ang pagpapakita ng pagmamahal sa pagpapasikat. Kung minsan kasi, sa kagustuhan mong maiba, hindi mo napapansin ang mga simpleng bagay at paraan na mas magpapakilig ng Valentine’s Day n’yo.

Love letters

Iho, iha. Iba pa rin ang saya na makikita ng iyong partner kung makatatanggap siya ng love letter na sulat kamay galing sa iyo. Oo, sulat kamay. Big deal ‘yun. Sa sobrang advance na ng teknolohiya ngayon, hindi mo napapansin na sa text, sa chat, sa posts, sa status mo madalas pinagsisigawan ang cheesy lines mo para sa iyong minamahal. Wala namang masama roon. Kaya nga lang, lahat kayang-kaya gawin ‘yon. Hindi mo pa nakikita ang sinseridad ng tao sa pagsasabi ng kanilang nararamdaman hindi tulad ng love letter, makikita ang pagkatao mo rito. Madarama ng partner mo na ikaw ‘yon, ikaw lang ang puwedeng makagawa ‘nun. Ang effort lang na sulat kamay mo ‘yon, malaking pogi points na ‘yon lalo na ngayon na aminin na natin, tamad na ang karamihan sa ating magsulat dahil sanay na sanay sa pagta-type na lang ng mga letra sa cellphone, sa tablet o sa computer na minsan short cut pa tulad na lang ng I love you, ginagawang ILY.

Harana

Nakalimutan n’yo na ba ang harana? Ang paghaharana nang personal? Wala na nga yatang makatatalo rito lalo na kapag hinarana ka sa harap ng maraming tao. Kapag hinarana ka nga naman, lakas makahaba ng hair, lakas makaganda at lakas makapogi. Bakit? Kasi ang paghaharana ay isa ring paraan sa pagmamalaki sa iyo ng iyong partner sa maraming tao. Nakalulungkot nga lang dahil kakaunti na lamang ang gumagawa niyan. Alam n’yo ba kung ano ang madalas na ginagawa ngayon kapalit ng harana? Ito ay ‘yong pagpost sa Facebook wall ng link ng kanta galing sa YouTube. Huwag na huwag mong gagayahin ‘yon, parang hinayaaan mo na rin ang ibang tao na magharana kapalit mo. Kung dinadahilan mo na ikaw ay sintunado, kalimutan mo na ‘yon. Mas bibigyan ng halaga ng iyong partner ang iyong effort sa pagharana sa kanya. Kung sintunado ka at ipinagpatuloy mo pa rin siyang haranahin, mas lalo ka pa niyang mahahalin. Tandaan mo ‘yan.

Love letters at harana, kapag pinagsama, panalo ka. Walang halong biro, lagi mo na lang isipin, diyan nagsimula ang mga lolo at lola n’yo na kahit maraming taon na ang lumipas, umaapaw pa rin ang pagmamahal nila sa isa’t isa.

Usapang Bagets

By Ralph Tulfo

Previous articleHiro Peralta, tinanggihan ang condo, sasakyan at pera mula sa dalawang bading
Next articleKristoffer Martin, itinangging nagkabalikan sila ni Joyce Ching

No posts to display