ANG MGA bagets talaga, ang hilig makiuso sa mga pagdiriwang tulad ng Valentine’s Day pero hindi naman nila alam ang pinagmulan ng okasyong ito. Kadalasan pa nga, sila pa ang may mga kakaibang pakulo sa pagdiwang nito. Kaya minabuti ko na magsaliksik para naman makapamahagi ng impormasyon tungkol sa pinagmulan ng Valentine’s Day. Salamat sa She Knows Lifestyle 2014 para sa aking impoamasyong nakalap.
Kahit maraming teorya ang naglalabasan, pipiliin ko na lang ang pinakasikat sa lahat. Ayon sa aking pananaliksik, nagsimula ang Valentine noong panahon pa ng 270 A.D. o panahon pa ng Roman Empire sa pamumuno ni Claudius II.
Ang pinunong ito raw ay hindi sumasang-ayon sa pagpapakasal ng mga kalalakihan dahil para sa kanya dagdag pogi at kisig points sa isang sundalo kapag sila ay single. Kumbaga para na rin nilang sinabi na mas malakas ang mga sundalo kapag sila ay single. Samantalang kabaliktaran naman ang pananaw ni Bishop Valentine. Kaya, kay raming mga sikretong kasal ang kanyang pinangunahan. At dahil dito, siya ay kinulong ni Emperor Claudius noong ika-14 ng Pebrero. Habang siya ay nasa kulungan, sumulat aniya ito sa kanyang minamahal na may binitawang kataga na “From Your Valentine.”
Dumako naman tayo sa mga trivia patungkol sa mga bagay-bagay na may kinalaman sa Valentine’s Day tulad ng tsokolate at bulaklak.
Kapag sinasabing Valentine’s Day, aba, ubos agad sa pamilihan ang mga nagtatamisan na tsokolate. Literal ka nga namang lalanggamin kapag ikaw ay nabigyan nito. Sa Amerika nga, one billion dollars lang naman ang nagagastos ng mga tao roon sa tsokolate kapag Valentne’s Day.
Pero kilala n’yo ba si Casanova? Siya ang pinakasikat at binansagang “The World’s Greatest Lover”. May sabi-sabi na kumakain siya ng tsokolate para siya ay mas maging makisig sa harap ng mga kababaihan. May haka-haka rin na ang mga Physician na namumuhay noong 1800’s ay inaabisuhan ang kanilang mga pasyente na kumain ng tsokolate para gamot sa kanilang “heartbreaks”.
Ito pa, alam n’yo ba ang pinakasikat na brand ng tsokolate ngayon, ang Cadbury? Malamang lahat na tayo nakakain niyan pero ang hindi n’yo alam, ang kauna-unahang tsokolate na nagawa ni Richard Cadbury ay inilabas para mismo sa Valentine’s day.
Trivias naman para sa bulaklak. Naku, hindi nga naman puwedeng mawala ang bulaklak kapag Valentine’s Day ang pinag-uusapan. Alam n’yo ba, mga kalalakihan ang bumubuo ng 73 porsyento ng kabuuang populasyon ng mga taong bumibili ng bulaklak kapag Valentine’s day samantalang 27 porsyento lamang ang mga kababaihan. At ito pa, mabibigla kayo sa impormasyon ito, alam n’yo ba sa Amerika, 15 porsyento ng mga kababaihan doon ay pinapadalhan ang kanilang mga sarili ng bulaklak. Nakagugulat, ‘ika nga. Kapag forever alone nga naman, lahat p’wedeng magawa.
O, ‘di ba? Mas maganda kung alam nating lahat ang pinagsimulan ng Valentine’s day hindi ‘yung bigay ka lang nang bigay ng bulaklak at tsokolate sa minamahal mo nang hindi mo nalalaman kung para saan.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo