Valid ba ang secret marriage?

Dear Atty. Acosta,

GOOD EVENING PO, may gusto lang po akong itanong, kasi po ay may live-in partner ako. 4 years po kaming naging magnobya, hanggang sa nagkaroon po kami ng anak. Noong una po ay hindi pa kami nagsasama, at nang mag-2 years old ang anak ko, nagsama na kami. Doon po niya kami itinira sa bahay ng mga magulang niya. Seaman po siya, tapos nang makaalis na siya, pumunta po ang ex-GF niya sa bahay at sinabi na nagpa-secret marriage (s.m.) daw po sila at last 2004 pa raw po sila nagpa-s.m. Eh, matagal na po silang walang communication. Nagtaka lang kami at nagparamdam ngayon ang babae. At sinasabing idedemanda niya ang live-in partner ko sa ginawa niya. Maaari po bang makulong ang ka-live-in ko? At may karapatan po ba talaga ang ex niya na magdemanda? At may validity po ba ang secret marriage?  Sana po ay matulungan n’yo po ako sa problema ko. 

Mercy

Dear Mercy,

MAINAM NA AMING banggitin sa pagkakataong ito na magkaiba ang konsepto ng “secret marriage” sa ibang bansa gaya ng Estados Unidos at dito sa Pilipinas. Mayroong ibang estado sa Estados Unidos, kung saan pinahihintulutang magpakasal ang dalawang tao ngunit walang anumang “record” o tala nito ang lalabas sa publiko. Ito ang kanilang konsepto ng “secret marriage”. Hindi pinapayagan ng batas ang mga ganitong kasalan sa Pilipinas. Lahat ng kasalang isinasagawa sa Pilipinas ay kailangang ipatala at iparehistro ng nagkasal sa Local Civil Registry Office ng lugar kung saan naganap ang kasalan. (Article 23, Family Code of the Philippines) Ang konsepto ng “secret marriage” dito sa Pilipinas ay iyong kasal na isinagawa nang lihim ng mga partido na hindi pinaaalam sa kanilang mga kamag-anak at kakilala. Ang mga ganitong kasal ay ipinaparehistro pa rin ng nagkasal sa talaan ng mga kasal.

Ang bawat kasal na isinagawa sa Pilipinas ay kinakailangang nagtataglay ng mga “essential” at “formal requisites” na nakalista sa batas upang maging balido.

Ang mga “essential requisites” na nakapaloob sa batas ay ang mga sumusunod: (1) Legal na kapasidad ng mga partido na ikakasal na dapat ay lalaki at babae. Ang legal na kapasidad ay tumutukoy sa edad ng mga ikakasal na dapat ay labing-walong taong gulang pataas; (2) Kusang-loob na pagsang-ayon ng bawat partido na ibinigay sa harap ng “solemnizing officer” o nagkakasal. (Art. 2, Family Code of the Philippines)

Ang mga “formal requisites” naman ay ang mga sumusunod: (1) Kapangyarihan ng “solemnizing officer”; (2) Balidong “marriage license”, maliban sa mga pagkakataong nakasaad sa batas na hindi kinakailangan ng “marriage license”; (3) Isang seremonya ng kasal na isinasagawa sa harap ng mga partidong ikakasal at ng “solemnizing officer” kung saan ang bawat partido ay personal na nagdedeklara na tinatanggap nila ang isa’t isa bilang asawa sa harap ng hindi bababa sa dalawang (2) testigo na nasa hustong gulang. (Art. 3, Family Code of the Philippines)

Kung ang kasal ng inyong kinakasama ay nagtataglay ng lahat ng mga nabanggit, balido ang kasal niya sa nabanggit ninyong babae. Kung gayon, maaari ngang kasuhan ng kanyang asawa ang inyong kinakasama ng “concubinage” dahil sa pakikisama niya sa inyo sa iisang bahay bilang kanyang asawa. Ayon sa batas, ang ganitong krimen ay pinaparusahan ng pagkakakulong ng hindi bababa sa anim (6) na buwan at isang (1) araw at hindi hihigit sa apat (4) na taon at dalawang (2) buwan. (Art. 334, Revised Penal Code)

Ang pinakamainam na gawin ninyo sa ngayon ay ang alamin mula sa inyong kinakasama kung totoo ngang siya ay nauna nang ikinasal sa kanyang dating nobya. Maaari rin ninyo itong mapag-alaman sa National Statistics Office (NSO), kung saan nakatala ang lahat ng mga kasalang naganap sa buong Pilipinas.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articlePahatid kay Sen. Revilla Sr.
Next articleArte

No posts to display