MAY BIRUAN at kaunting tawanan daw sa pribadong misa na idinaos sa unang anibersaryo ng kamatayan ng King of Comedy na si Dolphy. Dumalo lahat ang mga anak ni Mang Dolphy, ang anak-anakan nito sa showbiz na si Maricel Soriano at ang asawa nitong si Zsa Zsa Padilla.
Sa ulat ng Aksyon, ang primetime newscast ng TV5 last July 10, sinabi ni Epi Quizon na sobra niyang na-miss ang ama. Aniya, “I just really missed the guy, I missed his voice. That’s actually… isa sa mga pillar ng decision-making ko, ‘yung boses ng tatay ko.”
Kuwento naman ni Eric Quizon, “Very strong ‘yung bond naming magkakapatid na we feel na that’s the one really binding us eh, I mean ang common denominator talaga ay ‘yung daddy namin.”
Pag-amin naman ni Zsa Zsa, may kurot pa rin daw sa puso nito ang pagpanaw ng asawa lalo na tuwing nagliligpit siya ng gamit nito sa kanilang kuwarto. Sabi niya, “Realistically we have to move out from there (the house) one of these years because it’s becoming too big for us, it’s hard for us to maintain. Tsaka ‘andu’n ang lahat ng damit namin kaya sobrang ang hirap-hirap, parang hindi ako maka-move forward.”
Dagdag pa niya, sa ngayon daw ay nahihirapan pa silang magdesisyon kung kalian nga ba nila lisanin ang bahay na kanilang tinitirhan ni Mang Dolphy at mga anak. Saad niya, “Mahirap kasing iwan kasi parang siyempre biro mo parang lahat na lang ba mawawala sa ‘yo.”
Kahit na ang ibang mga anak ay nakapag-move on na sa pagpanaw ng ama, parang nahirapan pa raw ang anak ni Mang Dolphy na si Vandolph at apo nitong si Boy 2 na tanggapin ang lahat.
Kuwento ni Vandolph, gusto pa rin daw niyang magparamdam ang ama sa kanya. Aniya, “Last night I was here, bago pa (ngayon) inunahan ko na sila lahat, nauna ako rito. Eh, walang tao eh, madilim, sabi ko magparamdam ka naman.”
Ang apong si Boy 2 ay sa tattoo na lang daw idinaan ang pangungulila sa lolo. Sabi niya, “May mga time pala na hahanapin mo then you just think about na ay wala na pala talaga, alam mo ‘yung ganu’n, so may mga ganu’n na nangyayari. But he’s always with us, the tattoo is there.”
Naging abala naman ang buong pamilya sa pagtulong sa mga nangangailangan lalo na at kilalang mapagkawang-gawa ang Hari ng Komedya. Ilan daw sa mga pagtulong na ginawa nila in honor of Tito Dolphy ay ang silid-aralan ng isang eskuwelahan sa Tondo, at ang pag-donate ng dugo sa Red Cross at Eye Bank. Pinaplano na rin ng pamilya ang pagkakaroon ng fun run para makalikom pa ng pondo para sa kanilang mga kawang-gawa. Gaganapin daw ito sa July 21.
Pagbibiro pa ni Eric, kung buhay pa raw ang ama baka daw sabihin nito sa kanila na kulang pa ‘yang mga ginawa nilang pagtulong sa mga nangangailangan. Saad niya, “He will be happy, of course matutuwa ‘yun.”
Ani Zsa Zsa, “Parang hindi mo iisipin na one year na pala ang nakalipas, kasi we do the same things pa rin, eh.”
Sa darating na July 25 naman ang ika-85 birthday ng yumaong haligi ng industriya ng komedya ng pelikulang Pilipino.
Sure na ‘to
By Arniel Serato