TUTOK SA kanyang pag-aaral ng master’s degree on Community Development sa University of the Philippines si Venus Raj. At masaya siya na natapos na raw ang kanyang research paper na pagkatagal-tagal niyang ginawa.
“Malapit na akong mag-graduate,” aniya. “At ngayong July, isang buong buwan akong mag-i-stay sa isang community para sa field immersion namin. Sa Bulacan kami, sa mga relocation area o relocation sites.”
Graduate na si Venus ng kursong Communication Arts sa Bicol University. Bakit nga ba Community Development ang napili niyang sunod na kuning kurso? To think na beauty queen at TV host siya na glamorosa ang mundong ginagalawan.
Tapos heto siya ay sasabak sa mga immersion kahalubilo ang mga karaniwang tao. Kumbaga, may mga pagkakataon na kakailanganin pa niyang tanggalin ang kanyang comfort zone. “Sa akin, hindi naman po kasi mahirap ‘yong gano’n. Alam din naman natin sigurong lahat na gano’n din naman ang buhay na kinamulatan ko.”
Pero komportable nang masasabi ang pamumuhay niya sa ngayon, ‘di ba?
“Oo. Pero masasabi ko na hindi mo pa rin talaga mawawala ‘yong kung anong dating kinamulatan mo. Kumbaga nandiyan na ‘yan, e. Kahit magkaroon ka man ng komportableng buhay sa ngayon. Pero, kung babalik ka ulit sa gano’ng klaseng pamumuhay, sanay ka na. Hindi na mahirap.”
Hindi kaya senyales ito ng possible niyang pagpasok din sa politics balang araw? “Ay, wala naman po. Hindi naman po ako nagbabalak. Sa ngayon, ang talagang nasa isip ko lang… school, family, at saka ‘yong trabaho. Hindi naman ako nawawalan ng trabaho. Dahil nandiyan ang manager kong si Jonas na sinisigurong hindi ako mawawalan ng pagkakaabalahan.”
Kumusta naman ang estado ng kanyang lovelife sa ngayon? “Masaya. Laging nakangiti araw-araw. In love pa rin kay Lord. Si Lord ang inspiration everyday.”
Wala pa rin siyang bagong special someone? “Wala pa naman.”
Pero may mga nanliligaw sa kanya ngayon? “Wala rin.”
Bakit? Ayaw niya munang mag-entertain ng suitors?
“Hindi ko lang muna siguro hinahanap. Kaya hindi ko inilalagay ‘yong focus at saka ‘yong attention ko ro’n kaya hindi rin siya priority sa mga panahon na ito.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan