Vhong Navarro: binaboy nila ako!

 alt=

Vhong-Navarro“BINABOY NILA ako… binugbog, tinakot nila ako…. papatayin ‘yung mga anak ko, magulang ko, pati ako!” Mangiyak-ngiyak na kuwento ni Vhong Navarro sa exclusive interview sa kanya ni Boy Abunda sa showbiz-oriented talk show na Buzz ng Bayan kahapon.

Mariin ding itinanggi ng It’s Showtime host na hindi niya pinagtangkaang gahasain ang babaeng nauna nang umakusa sa kanya sa isang police blotter. Kaugnay ito ng nangyayaring pambubugbog sa kanya ng isnag grupo ng kalalakihan noong Miyerkules ng gabi, January 22, sa isang condominium unit sa The Fort, Bonifacio Global City, Taguig City.

Ani Vhong, “Hindi ako rapist. Hindi po ako nagda-drugs. Matino po akong tao. May takot ako sa Diyos.”

Sa panayam ni Boy, sinabi ni Vhong na biktima siya ng pamba-blackmail ng isang kaibigang babae na pinangalanan niyang Denise Millet Cornejo.

Sa kuwento ng komedyante, dalawang taon na ang nakararaan nang una niyang makita si Denise. At nito nga lang nakaraang mga araw nang muli silang magkita. Una noong gabi ng Januray 17 (Biyernes), kung saan sinabi ni Vhong na inimbitahan siya nito sa condo para sa isang “friendly meeting” at hindi niya ito girlfriend.
Pag-amin pa ni Vhong, “Hindi ako gagawa ng move kung hindi siya nagpakita ng motibo. May nangyari po, pero walang sexual intercourse.
“Kung ayaw niya, sana sumigaw siya ng ‘Rape!’ Sana may mga kalmot, galos ako, o meron siyang sakal or what, pero wala po. Maliwanag po na gusto niya ‘yung nangyari.”
Maayos naman daw silang naghiwalay, pero nag-text daw si Denise ng “Bad boy ka” kasunod naman ng pagtawag sa kanya ng “sweetie” ng mga sumunod na araw.

At noong gabi nga ng January 22, muli silang nagkita ng babae sa condo unit ng huli, kung saan may dala pa umanong pagkain si Vhong para kay Denise dahil nag-request nga raw ito ng pagkain.
Sa kuwento ni Vhong, pagpasok niya sa condo unit, nagtaka siya sa pahayag ni Denise na “Binigla mo ako”, gayung alam ng babae na darating siya.
“Bigla siyang lumabas… may lumabas nang lalaki, nakatutok sa ‘kin ‘yung baril. Tapos lumabas na si Cedric Lee.” Pagdedetalye ni Vhong.
Kinunan pa umano siya ng video. “Pinapasabi nila sa’kin, ‘Ako si Vhong Navarro, ni-rape ko ‘yung kaibigan ko’.
“Ang ginawa nila sa akin grabe. Binaboy nila ako. Tinakot nila ako… papatayin ‘yung mga anak ko, magulang ko, pati ako.”
Binugbog aniya siya ng grupo ni Lee na nasa anim hanggang pitong kalalakihan at unang hiningian ng ng P200,000 bilang damage kay Cornejo. Nagbago umano ng isip si Lee at itinaas pa umano sa P500,000, hanggang sa naging P2 milyon pa. Pero sabi ni Vhong, P1 million lang ang kaya niyang ibigay.

Sinabihan naman siya ng isang “Mike” na ipaba-blotter ang nangyari, pero hindi siya kakasuhan basta’t ibigay ang pera.
Dinala si Vhong sa presinto para sa blotter. Kasama rin si Cornejo na hindi na makatingin nang diretso sa kanya, kung saan naririning umanong sinasabi ng babae ang mga salitang “I’m sorry, Vhong…”
Nang pakawalan na siya at ihatid sa kanyang kotse na naiwan sa The Fort, tumawag pa si Mike. “Sinabi, ‘Walang lalabas na video, walang lalabas na blotter, walang lalabas sa media, basta ibigay mo lang ‘yung hinihingi namin ni Cedric.'”
Sumang-ayon si Vhong na magbigay ng P1 milyon, kinabukasan pero hindi niya ginawa. “Natakot lang talaga ako.” Nagsalita na umano si Vhong dahil natatakot siya para sa kaligtasan ng kanyang pamilya, lalo ng kanyang mga anak, pati ang career. Ayaw rin daw niyang mangyari ang ganitong bagay sa ibang tao.
Nakahanda naman si Vhong na harapin ang ibang isyu na puwedeng lumabas, kasama na ang video dahil sa hindi pagbabayad ng P1 milyon.

Makikita aniya sa video, “…na binaboy ako mula sa baba, sa ari, sa private part ko, ipinakita nila du’n na medyo baboy na, at the same time itong video ko na sinasabi ko na ‘Ako si Vhong Navarro, ni-rape ko ang kaibigan ko.’ Wala akong video na nakikipagtalik.”
Sa huling bahagi ng interview, sinabi ni Vhong na, “Kung meron man akong kasalanan, isa lang iyon – sa girlfriend ko.”
Humingi siya ng tawad, kasabay ng pasalamat sa mga fans at kaibigan na patuloy na ipinagdarasal ang kanyang paggaling.

Danny’s Law
by Danilo Jaime Flores

Previous articleKimXi, mas matindi kaysa Kimerald
Next articlePinoy Parazzi Vol 7 Issue 17 – January 27 – 28, 2014

No posts to display