Sino nga ba ang hindi nakakikilala kay Mang Kepweng sa pelikulang pinagbidahan ng komedyanteng si Chiquito noon. Nakalakhan namin ang mga pelikula niya, pero I’m sure hindi siya kilala ng millennials, na ang komedya para sa kanila marahil ay ang mga hugot at pagpapatawa ni Eugene Domingo sa pelikulang “Ang Babae sa Septic Tank” at ang klase ng mga punchline ni Cai Cortez or ang pangngangabog Vice Ganda.
Si Mang Kepweng, ang karakter sa pelikula noong kabataan namin na isang “albularyo” ng namayapang sikat na komedyante, ay gagampanan naman ng komedyanteng si Vhong Navarro sa pelikulang “Mang Kepweng Returns”, na kung tama kami, series ito sa isang lingguhang komiks na pinasikat ni Mang Mang Chiquito ang karakter ng gawan niya ito ng pelikula.
Sa panahon ng millennials, si Vhong ang bubuhay sa karakter ni Mang Kepweng, na sa mismong birthday niya, January 4, ay mapanonood nationwide ang pelikula na dinirek ni GB San Pedro.
Si Vhong, matapos niyang gawin ang karakter na Agent X44 na mala-James Bond ni Tony Ferrer (elementary yata ako nu’n), heto siyang muli at gagawin niya ang tila remake ng Mang Kepweng.
“Hindi po siya eksaktong remake. ‘Yong karakter ni Mang Kepweng, nandu’n pa rin, pero iba siya. May twist sa bagong ‘Mang Kepweng Returns’. Magkapatid kami ni James Blanco na sa kuwento ay madi-discover namin na magkapatid pala kami. Isang medical doctor si James sa movie na hindi naniniwala sa klase ng panggagamot ko as Mang Kepweng,” kuwento ni Vhong sa amin.
Tungkol ito sa “magic bandana” na nakatali sa ulo ni Mang Kepweng na may special power na nilagyan ni Direk GB ng bagong twist.
Dapat sana ay pang-MMFF 2016 ang pelikula kung napili. Pero dahil hindi sinuwerte, mas minabuti ng mga producer na ipalabas ito sa araw mismo sa birthday ng komedyante.
Bukod sa Mang Kepweng karakter ni Mang Chiquito, interested din si Vhong na gawin ang mga karakter nina Asyong Aksaya at ang Pacifica Falayfay na karakter naman ng komedyanteng si Dolphy sa pelikula.
“Pero wish ko, magawa ko sana ‘yong gay character ni Tito Dolphy na bading na sa seryosong drama na ‘Ang Tatay Kong Nanay’ na si Niño Muhlach at si Kuya Ipe (Philip Salvador) ang mga kasama sa pelikula,” sabi ng komedyante.
Kasama ni Vhong sa movie sina Lotlot de Leon, Kim Domingo, at Sunshine Cruz.
Reyted K
By RK VillaCorta