SA MARTES next week pala magkikita na sina Vhong Navarro at sina Cedric Lee. Ito bale ang kauna-unahang pagkakataong maghaharap sila sa korte.
Du’n kasi sa arraignment nina Cedric at Zimmer Raz sa Taguig Regional Trial Court, napagdesisyunan ng korte na ang preliminary hearing ay gagawin na sa Martes at kailangang nandu’n din si Vhong.
Nu’n kasi, laging nauunang pumunta si Vhong sa DOJ dahil ayaw pa niyang makaharap ang mga nambugbog sa kanya, dahil sa sobrang trauma na pinagdaanan niya. Pero ngayong nahuli na sina Cedric, siyempre nasa NBI na ito, wala na sigurong dapat ikatakot pa sina Vhong.
Sabi ng abogado ni Vhong na si Atty. Alma Mallonga, dadalhin daw niya ang kliyente niya dahil hiniling ito ng korte. Kaya malamang na matindi ang pagtutok dito ng media dahil ito bale ang kauna-unahang paghaharap nina Vhong at Cedric.
Malay natin baka madagdagan pa ‘yan sila, dahil pinag-uusapan na ang nalalapit na raw na pagsuko ni Deniece Cornejo.
Kinontak nga ng ilang reporters ang tiyuhin ni Deniece na si Mr. Rod Cornejo, wala pa raw siyang masasabi sa ngayon dahil mas mabuting manahimik na lang daw muna kesa sa magsalita at maglalabas lang daw ang ibang report na hindi naman patas ang pagbabalita. Nagrereklamo kasi ito sa mga balitang inilabas ng ABS-CBN 2, kaya mas mabuting huwag na raw muna siyang magsalita.
Kahit nga du’n sa arraignment, hindi nagsalita sina Cedric pati ang abogado nitong si Atty. Howard Calleja, dahil nasa korte na raw ang kaso. Kaya tikom lang ang bibig nila.
Nasa NBI pa rin pala naka-detain sina Cedric at hindi pa raw napagdesisyunan kung ililipat na ito ng Taguig City Jail.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis