CONGRATS KAY VHONG Navarro. Dahil bukod sa toprater ang Showtime ay birthday pa niya kahapon. At dahil birthday niya kahapon, congrats din, dahil after 8 months of being loveless, “loveful” naman siya ngayon.
Me ganu’ng word ba? “Loveful” talaga? Hehehe. Eh, kasi nga, matapos ang pakikiparelasyon kay Desiree del Valle, eh, in-love (‘yan ang tama!) na naman ang lolo. Kanino?
Well, sa isang non-showbiz girl na hindi na namin alam ang pangalan.
Pasensiya na, hindi na namin inalam, dahil baka malaman n’yo pa, eh, malalaman ni Vhong kung kanino n’yo nalaman, ‘di ba?
KUNG PUWEDE NANG hatakin ni Paolo Contis ang panahon para manganak na si Lian Paz at maging tatay na siya ay gagawin na niya ngayon, dahil super duper excited na ang bruho na ma-sight ang kanyang first baby na papangalanan niyang Xonia.
(Parang Xonia, ako ang iyong kunsensiya, ‘no? Hahaha! Ayaw ng dating commercial ng Safeguard ng ganyan!)
Ipinakita na rin sa amin ni Paolo ang hitsura ng anak nila ni Lian sa kanyang phone. Kinunan niya ang monitor ng ultrasound at juice ko po, katangos ng ilong ng bagets.
Baka ma-shock pa kami kung pangong lalabas, eh, pareho namang matangos ag ilong nila ni Lian.
Bibili nga si Paolo ng malaking van para kasya sila at makakilos na rin, dahil ang balak ng lolo n’yo, eh, dalhin-dalhin niya sa kanyang taping ang kanyang bagets. Ganyan siya ka-excited.
Ipinakarga nga namin sa kanya ang aming bunsong anak na two months old pa lang (si Cory), pero juice ko, takot na takot ang damuho. Baka raw maibagsak niya. Aba’y dapat nga, magsanay na siya, dahil hindi puwedeng titig-titigan lang niya ang anak niya kapag umuuha, ‘no!
We’re so happy for Paolo. Hindi pala siya baog. Hahaha!
YES, KALUNGKOT, DAHIL one month to go na lang ang taping ng May Bukas Pa at magpapaalam na ito sa ere. Huhuhu! Pero ganu’n talaga. Lahat naman ng bagay sa mundo, may hangganan, eh.
At least, ang May Bukas Pa ang tumagal nang isang taon, ‘no! In fairness. Sobrang ang daming natuwa, na-inspire at nabigyan ng pag-asa ng teleseryeng ito ni Santino.
Kami nga, kahit saan kami magpunta, aba, kundi “Bro” ang tawag sa amin, “Santino” o kaya ay “Ato” (name ng character namin) o kaya ay ‘yung tawag sa amin ni Arlene Muhlach, ‘yung “Sweetheart.”
Pasalamat na rin kami, dahil one year din kaming nagkatrabaho nang bonggang-bongga at malaking kabuhayan showcase na rin ang naihatid sa pamilya namin ng teleseryeng ito ni Santino.
“Sana, Ogie, magkaroon pa tayo ng susunod. Wish ko lang talaga. Kahit commercial, hahaha!” Sey nga ni Arlene.
Oo naman. Basta thank you, thank you sa management ng ABS-CBN sa tiwalang ipinagkaloob sa amin ni Arlene na siyang nagsilbing comic relief ng teleserye.
Saka sa buong staff and crew at sa mga artistang parang kapatid na namin kapag nagkikita kami sa set.
Ito ‘yung set na walang bida, walang kontrabida, lahat, magkakapamilya, kaya lagi kaming excited makita ang isa’t isa.
At aminin. Napatunayan ng mga kasama naming artista na ‘pag artista kami, artista lang kami. Hindi kami reporter. Na dapat lang naman. Kaya thank you rin sa tiwala ng mga artista sa amin.
At maraming salamat kay “Bro” sa blessing niyang ito sa aming buhay.
‘Wag n’yong kalilimutang makinig sa “Wow! Ang Showbiiiz!’ sa dwiz 882 sa inyong AM station at maririnig din sa www.dwiz882.com, 11-12nn kasama sina Rommel Placente, Eric Borromeo at Ms. F!
Oh My G!
by Ogie Diaz