Natanong na rin namin ang bida sa “Buy Now, Die Later” na si Vhong Navarro kung totoo ang balitang hanggang February of 2016 na lang ang noontime show nilang “It’s Showtime!”.
Ayon sa comedy actor, wala raw siyang alam tungkol dito.
“Sa amin, wala naman pong sinabing ganun, na hanggang February (2016) na lang ‘yung show,” takang-taka niyang pahayag.
“Kami po kasi, pumapasok po kami para magpasaya ng tao, ibinibigay lang po namin kung ano po ‘yung kailangan sa amin ng mga solid Showtimers o kung ano ‘yung gusto ng mga nanonood sa bahay na walang ginagawa.
“Ibinibigay lang po namin ‘yung best namin. Sumusunod lang po kami sa kung anong ipinagagawa sa amin. Pero ro’n sa sinasabi nila na hanggang Feb na lang kami, ako po, hindi ko pa po naririnig. Honestly, hindi ko pa po alam,” paglilinaw pa niya.
Ibinalita naman ni Vhong na gumaganda na ulit ang ratings ng kanilang show.
“Sa awa po ng Diyos, medyo gumaganda po ulit ‘yung ratings namin, bumabalik po ‘yung dating Showtimers,” masaya niyang pahayag.
Samantala, hindi nag-i-expect si Vhong na magiging top grosser ang “Buy Now, Die Later” nila ni Alex Gonzaga.
“Hindi ako nag-i-expect ng number one or number two, basta ako po, nagawa ko ‘yung isa sa dream role ko sa pelikula.
Masaya na akong maka-P100 million,” pabiro niyang pahayag na posible rin namang magkatotoo dahil horror-comedy ang kanilang pelikula na pumapatok kapag MMFF.
La Boka
by Leo Bukas