HINDI YAHOO Messenger, hindi rin Instant Messenger. Hindi na What’s App. Viber na ang in na in, hit na hit, at trending sa mga bagets ngayon! Ang Viber ay isang software na puwedeng-puwede sa mga smartphones ng kabataan ngayon. Basta’t sila ay naka-Mac OS, Android Blackberry OS, iOS, Series 40, Symbian, Bada, Windows Phone, at Microsoft Windows.
Ito ay dinebelop ng Viber Media, kung saan maaaring mag-text, magpalitan ng mga larawan, kanta, at maging video rito sa pamamagitan ng pag-send lang. Kahit saan, kahit kailan, maaasahan ang Viber basta siguraduhin mo lang na may internet connection ka. Talagang parami na rin nang parami ang mga bagets na nahuhumaling sa software na ito dahil noong Mayo 7 ng taong 2013, pumatak sa 200 milyon katao ang gumagamit ng Viber.
Alam n’yo ba ang nakadiskubre at nakaimbento ng Viber ay mga Israeli. Sila ay sina Talmon Marco, Igor Megzinik, Sani Maroli, at Ofer Smocha. Noong umpisa, ang plano talaga ay i-launch ang Viber para lang sa iPhone noong taong 2010 para magsilbing kakumpitensiya ng Skype. Hindi nagtagal, nagkaroon ito ng pre-release version para sa Android noong 2011, pero limitado lang sa limampung libong katao ang puwedeng makapag-download nito. Isang taon din ang kinakailangang dumaan para magkaroon ng unrestricted version nito. Pero, kahit puwede na ito sa iOS at Android, may pagkakaiba pa rin ang Viber sa bawat platform nito. Sa iPhone lamang available ang voice calling. Samantalang sa Windows at sa Android wala nito. Pero may usap-usapan na pinaplanong magkaroon at HD voice pa nga raw.
Ang maganda pa sa Viber ay hindi ito komplikadong gamitin. Napaka-“user friendly” pa nga nito dahil pagkatapos na pagkatapos mo ‘tong i-download mula sa appstore para sa mga iPhone users at sa playstore naman para sa mga Android users, mayroon itong user interface na siyang magsisilbing entry pass sa Viber. ‘Yung tipong isang click mo lang dito nasa Viber ka na.
Sa una, kinakailangan mo ring muna gumawa ng iyong Viber account. Madali lang naman ito, ang gagawin mo lamang ay sagutan ang mga detalye na hinihingi nila tulad ng pangalan, e-mail address, edad, kasarian, cellphone number, at lokasyon. Kapag nabigay mo na ang mga ito, ite-text ng Viber sa iyong cellphone ang isang set ng code. Ito ay ginagawa para magsilbing verification number at confirmation ng pagiging isang Viber member. Automatic din ang pag-sync ng contacts mo sa Viber kaya hindi mo na kinakailangang isa-isahin ang paglagay ng contacts ng mga kaibigan mo na may Viber.
Maituturing din ang Viber ay hindi lang basta-basta simpleng app dahil laking tulong din ng software nito sa ating kapwa. Inilabas ng Viber ang Viber Out, ito ay isang feature kung saan ang mga Viber users na kahit walang Internet connection ay puwedeng ma-contact ang mga kamag-anak na nasalanta ng kalamidad. Ito ay libreng-libre. Kaya, Viber, ikaw na! Ikaw na talaga!
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo