Vic, Alma at Aga

BUKAMBIBIG ANG balak ng sikat na TV host at comedian, Vic Sotto, na tumakbo bilang alkalde ng Quezon City. Aba, tara na Bossing! Baon sa kapabayaan ang lungsod at kailangan ang isang bagong dugo na talagang may sigla at kakayahan. Sayang ang malaking momentum ng siyudad nu’ng panahon ni dating Alkalde Sonny Belmonte.

Nakalipas na dalawang taon ay nagkabukol-bukol ang katayuan ng lungsod: bagsak ang peace and order, ekonomiya at paralisado iba pang delivery of basic services. Walang kumpas ng liderato kung mayroon man. Enter, Enteng Kabisote.

Oy, Ate Alma makuha ka sa tingin. ‘Wag kang pasaway. Alam mo ba inambisyon mo? Senadora? Anong matigas na bagay ang pumasok sa kukote mo? Nasapian ka ba ng kahibangan ni Imelda Papin at Pilar Pilapil na tumakbo rin? Huminahon ka – at magpahinga na. ‘Di lamang suntok sa buwan. Pitik sa ipo-ipo.

Si Aga bilang kongresista ng CamSur 4th District? Bakit hindi. Para siyang pagong na itinapon sa tubig. Siksik ng kapabilidad, walang dungis at tagumpay sa kanyang propesyon. Bagong dugo na may idealismo ang kailangan ng bagong politika. Ibaon na sa limot ang mga tradpols. Si Aga ay isang solid asset sa Kongreso. At sa kanyang distrito, isang messiah na matagal nang pinagdarasal.

SAMUT-SAMOT

 

MAKAKABUTI KAY dating CJ Renato Corona na magpahinga na muna, mag-isip-isip nang malalim at saka bumalangkas ng kaukulang plano. Tama na ang kadadada ng kanyang lawyer Jude Roy. Mag-iikot daw si CJ sa mga unibersidad para ipaliwanag ang nangyari sa impeachment trial. Ano ba ‘yan? O baka nais niyang ipaliwanag ang techniques ng pagsisinungaling at pagtataksil sa bayan. Mabuti rin na maghanda na lang siya sa criminal cases galing sa Ombudsman at BIR. Dapat managot ang dapat managot. Lahat ay dapat pantay sa batas.

NA-ADDICT YATA sa media ang dating defense lawyer ni CJ Corona. Hanggang ngayon, pa-interview pa rin nang pa-interview na lalong nagpapahamak sa ating mahistrado. Tama na, awat na. Sukang-suka na kami sa mga mukha ninyo. You blew up the job! You fumbled left and right at may apog pa kayong ngumiti sa publiko. Kadiri.

DATING CEBU Gov. Gwen Garcia ang kasama sa UNA senatorial slate. Handpicked mismo siya ni VP Jojo Binay. Panalo ito. Outstanding performance sa 3-time governor ng Cebu. Marangal ang political pedigree. Ama’y kasalukuyang kongresista. Isang kapatid, Winston, ay dating GSIS General Manager. Mga ganitong uri ng public servants ang dapat ibalik sa serbisyo. Sulit ang taxpayers.

MINSAN NAKATABI sa isang barberya sa Greenhills si Rep. Rudy Fariñas. Naka-casual shorts at T-shirt, kasama dalawang anak. Ito ang una naming pagkikita pagkaraan ng isang dekada. Kumustahan. Biruan. Kantiyawan. Palakihan ng tiyan. Tapos humantong sa pulitika. Wala akong balak mag-senador. Unang-una, magastos. Wika niya. Ngumiti ako nang may kahulugan. Alam kong puwedeng-puwede na siyang mag-ambisyon. Sa performance niya sa impeachment trial, dapat mag-isip-isip siya. Super-job ang ginawa niya. At ang taong-bayan ay pinapupurihan siya. Why not, Rudy?

MAY SPANISH proverb, “From a fallen tree, everybody gathers firewood.” Ito na ngayon ang kahabag-habag na katayuan ni CJ Corona. Kahit yata si dating SC spokesman Midas Marquez ay tinalikuran na siya. Ganyan ang regla ng buhay. Kaya ‘di dapat maging palalo, ganid at sakim sa salapi at kapangyarihan. Totoo bang nagkasundo na sila ng mga Basas?

SANA’Y PAGSISISI ay sa una. Himutok ng ‘di iilan kong kaibigan na nakikipagbuno ngayon sa lethal ailments ng iba’t ibang organs. Labis na paninigarilyo, ugat ng non-treatable emphysema. Napakahirap na sakit ito kung 4th stage na. Nagsisikip ang dibdib at habol ang hininga. May mga modern medicines for relief. Subalit bukod sa magastos, walang kasiguraduhan ang paggaling. Ganyan din ang sakit sa kidney. Death sentence ang kidney disease na kaibigan ng dialysis. Ang remedyo ay kidney transplant. Sakit sa puso, nakababahala rin. Pagbara ng litid patungo sa puso dahil sa cholesterol ang sanhi. Nu’ng bata tayo, arya lamon ng mga foods rich in cholesterol. Sugapa rin sa alak at paninigarilyo. Mga bisyong lambat ni Satanas para magupo ang kalusugan. Sa huli ang pagsisisi. Ang a-king internist ay very strict. Nagagalit siya ‘pag check-up ko’y walang improvement sa mga organ tests na namimiligro. Dapat lang ganyan lahat ng manggagamot para din ito sa mga pasaway na pasyente.

KALIMITANG REKLAMO ng senior citizens kagaya ko ay insomnia o ‘di pagkakatulog. Marami sa kanila, madaling-araw na dapuan ng antok at 2 o 1 oras na lang ang naitutulog. Ilan ay nagse-self-medicate ng sleeping o transquilizer pills. Subalit ayon sa isang medical internet, natural sa elderly ang reduced sleep. Mag-average lang ng 4-6 oras ay magaling na. Sa middle adult 6-8, sa infants at children, 2-12. ‘Di dapat uminom ng ano mang tranquillizer o sleeping pills sapagkat ang mga ito ay nagdudulot ng tinatawag na dependence.

RIGHT EXERCISE, warm milk o babasahing libro bago matulog ay makatutulong sa biglaang pagtulog. Pinakamagaling ang pagdarasal. Eksaktong 3-4 a.m. mulat na ang mga mata ko. Tungo sa banyo, tatangkaing matulog muli at ‘pag bigo, dasal ng rosaryo. Alas-sais nasa hardin na ako, nagpapatuka ng love birds at nagdidilig ng halaman. Ito ang routine na kinaugalian ko.

SAMUT-SAMOT ANG discomforts ng pagtanda. Kalimita’y problema ay psychological dala ng takot at ‘di maunawaang sense of insecurity. Makabubuting ipaubaya natin sa Maykapal ang lahat. Surrender to His will.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleActors React!
Next articleIt’s time to go, Commissioner!

No posts to display