KAHIT NA MAITUTURING nang successful sa kanyang larangan ang mahusay na TV host at comedian na si Vic Sotto, marami pa rin daw kulang sa kanyang career. “Marami pa akong gustong gawin. Hangga’t kaya ko, basta hanggang sa retirement ko, gagawin ko,” aniya pa nang makausap namin ito sa presscon ng bagong season ng Who Wants To Be A Millionaire ng TV5 nu’ng Lunes.
Kase-celebrate lang ng kanyang ‘nth’ birthday ni Bossing at ilan sa kanyang birthday wishes, “More beautiful movies. More meaningful TV shows. More public service. More love.”
Hindi niya rin daw masasabing kuntento na siya sa estado ng kanyang buhay ngayon, aniya pa, “Ang tao ‘pag nakuntento ka, pantay na ang paa mo. Hindi ka dapat makuntento, I mean, you just have to be contented with what you have. It doesn’t mean naman na okey na ako, basta buo ang panalangin mo, buo ang paniniwala mo sa Panginoon, tuluy-tuloy lang ang buhay. Hindi dapat tumitigil ‘yan sa isang level na, ‘uy, wala na akong hihilingin pa, wala na akong gustong gawin pa sa career ko, o sa personal ko.’ Kailangan tuluy-tuloy.”
Dagdag pa ni Bossing, “Madali namang ma-fulfill ‘yung kaligayahan ko sa buhay. Simple lang naman ang kaligayahan ko sa buhay. Hindi ako maarte. Simpleng panonood lang ng telebisyon, ayos na ang buhay ko nu’n. Wala akong masyadong hinihiling sa buhay. Kung ano lang ang dumating, okay na sa akin.”
Loveless ang TV host-comedian ngayon, pero hindi naman daw ibig sabihin nu’n ay hindi na siya nagmamahal. Nandiyan daw ang pamilya niya, ang kanyang mga anak at apo na napagtutuunan niya ng pansin, ang Eat Bulaga family niya na araw-araw niyang nakakasama, lalung-lalo na raw ang mga tumatangkilik sa kanilang programa for more than 30 years now.
Sa pagiging galante ni Bossing sa mga pamilyang napipili sa ‘Juan For All, All For Juan’ ng EB, hindi maiwasang isipin na papasukin din niya ang pulitika. Pero simple lang ang tugon ng TV host/comedian dito, “Hindi naman kailangang pasukin mo ang pulitika para makatulong ka. Ibigay na natin ‘yan kay Tito [Sotto].”
Nilinaw na rin ni Bossing ang tungkol sa tsismis na ang bagong girlfriend daw niya ngayon ay isang flight ste-wardess. “Nagkaroon ako ng girlfriend before Pia [Guanio] na flight stewardess na ngayon. Na-mixed up na lang siguro,” pag-amin niya.
Tungkol naman sa isyung hindi raw kumita ang pelikula nila ni Bea Alonzo na Pak! Pak! My Dr. Kwak, sabi ni Bossing, “Ayos lang, ako naman ang nakakaalam kung ano ang totoo.”
May filmfest entry raw siya sa Disyembre, pero hindi pa raw ito kon-kreto. Balitang si Ai-Ai delas Alas ang makakapareha niya rito, pero ayon nga kay Bossing, “Wala pa. Bubuuin pa lang namin.”
Siyempre, excited na rin ang 2010 PMPC Best Game Show Host sa pagsisimula ng Who Wants To Be A Millionaire sa May 15, Sunday, 6:30 PM. May bagong twist sa world’s most popular game show. Bukod sa ‘50-50’ at ‘Phone-A-Friend’ lifeline, may ‘People Speak’ at ‘Switch’ lifelines na rin. Sa ‘People Speak’, may pagkakataon ang studio audience na manalo ng P20,000 at sa ‘Switch’ ay may pagkakataon ang hot seat contestant na magpalit ng tanong na pareho ang value.
Sa initial telecast ng game show, mga estudyante raw ang bibigyan nila ng pagkakataon na manalo ng P2-M na hahatiin sa contestant at sa eskuwelahan nito, manalo o matalo man.
Bore Me
by Erik Borromeo