MAYROONG NARARAMDAMAN ang showbiz na parang pansamantalang mawawala si Vic Sotto, dahil maugong ang usap-usapan na papasok siya sa larangan ng pulitika. Hindi naman ito nakapagtataka, dahil ang ilan sa kanyang mga kapatid tulad ni Tito Sotto ay naging senador. Nababagay rin kasi si Bossing na maging senador at makapaglingkod sa masa, dahil may kakaiba siyang karisma sa mga tao. Maamo siya kaya sinusundan siya ng mga tao.
Marami siyempre ang malulungkot kung iiwan ni Vic ang showbiz, dahil bilang sikat na komedyante at movie producer na rin, laging ipinararamdam ni Bossing ang kanyang pagmamahal sa showbiz. Nitong nagdaang mga panahon na kokonti ang nagpoprodyus ng pelikula, isa siya sa mga sikat na artistang laging nag-iisip na kahit once a year a makagawa ng isang malaking project, at ang patuloy na katunayan, sa taong ito ay mayroon siyang Enteng Ng Ina Mo! mula sa Star Cinema na pinagtatambalan nila ni Ai-Ai delas Alas.
Pero mahal ni Bossing ang showbiz. Hindi niya basta iiwan ang larangang ito. Nariyan din naman ang mga nagmamahal sa movie industry, gaya ni Sen. Bong Revilla na kahit napunta na rin sa mundo ng pulitika, hindi nakakalimot na magprodyus ng sarili niyang pelikula para sa masa. Kasunod ni Mang Dolphy bilang Comedy King ay si Vic talaga ang bagong Hari ng Komedya, kaya magiging kawalan siya sa showbiz kung magiging pulitiko na rin siya.
KAHIT PA sabihing nagbibiro si Joey de Leon, minsan ay hindi na rin nakakaaliw ang kanyang kataklesahan. Hindi nakakatuwa ang ginawa niyang pasaring tungkol sa pagkakapanalo ni Allan K bilang Best Male Variety Show Host mula sa Philippine Movie Press Club sa katatapos na 25th Star Awards for Television dahil sa pagsalang niya sa Eat… Bulaga!. Parang napaka-unfair na ang kasamahan mo sa programa ay bigyan mo ng ganu’ng komento na pang-insulto, dahil mula sa mga salita ni Joey ay iisipin mo na hindi deserving si Allan na manalo.
Ako bilang miyembro ng PMPC at laging voting member, hindi naaliw sa mga pinagsasabi ni Joey. Ang daming awards na ang naipagkaloob ng aming club sa EB nina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey para siya maglitanya ng kung anu-ano. Sa pagsulat sa balota at pagbibigay ng boto, naibigay ko na ang mataas kong pagrespeto sa programa nila. Kapag ako’y bumoboto sa mga nominado, tinitingnan ko muna ang talento nila para sa kategorya nila, ganu’n din kung plakado ba siya para manalo.
Idol ko si Joey de Leon sa istilo niya dati ng pagpapatawa. Pero maipagmamalaki ko sa kanya, na ibinoto ko si Allan K dahil panahon na rin para bigyan siya ng pagpapahalaga. Ang EB ay nakatatak kina Tito, Vic & Joey. Pero kapag wala sila sa programa, si Allan K talaga ang isa sa mga kasamahan nila, na maaasahan mong makapagbibigay-saya sa mga manonood sa istilo ng buhay na buhay niyang pagho-host. Ang daming ginagawa ni Allan na pagpapakuwela para mapasaya ang mga manonood. Ilong pa lang niya ay tatawa ka na.
ChorBA!
by Melchor Bautista