SI VIC SOTTO ang susunod sa mga yapak ng Comedy King na si Dolphy. Marami ang sang-ayon dito. Hindi lang dahil sa halos ng lahat ng pelikula niyang pinagbidahan ay box-office hits, kundi pati ang style ng kanyang pagpapatawa ay maihahalintulad kay Mang Dolphy. Ngayong taon, sabay pa silang pinarangalan ng Guillermo Mendoza Entertainment Awards bilang Comedy Box Office King para sa pelikulang Double Trouble.
Tatlong dekada na si Bossing sa industriya. Mahaba na ang listahan ng kanyang achievements sa telebisyon at sa pelikula. At wala na sigurong makahihigit pa sa 30 years na pananatili ng Eat… Bulaga! sa telebisyon, kung saan isa siya sa pioneer hosts kasama sina Tito Sotto at Joey de Leon.
Nagsimula si Vic bilang isang folk singer. Sa apat na magkakapatid – Val, Tito, at Maru – siya ang pinakamahiyain. Nang napasama siya sa gag show na OK Lang sa IBC-13 ng mga utol na sina Tito at Val, lumutang na ang pagiging natural na komedyante ni Vic. During this time nakilala nina Vic at Tito si Joey de Leon na co-host naman sa Discorama ng GMA-7. Maganda agad ang chemistry ng tatlo, kaya ipinanganak ang Tito, Vic, and Joey o ‘TVJ.’
Mas lalong tumingkad ang kasikatan ng tatlo sa sitcom na Iskul Bukol na umere sa IBC-13 mula 1997-1990. Sino ba naman ang makalilimot kay Victorio Ungasis, ang nerd na kaklase ng Escalera Brothers?
Alam n’yo ba na bago nagkaroon ng Eat… Bulaga! ay naging host pa ang tatlo ng Student Canteen, ang nangungunang noontime variety show noong 1970s? Nagsimula ang Eat… Bulaga! noong 1979 sa RPN-9. Lumipat ito ng ABS-CBN noong 1989, at sa GMA-7 noong 1995.
Aside from being a comedian and TV host, si Bossing din ang lead vocalist ng bandang VST & Company na nagpasikat ng classic songs na Awitin Mo At Isasayaw Ko, Ipagpatawad Mo, Disco Fever, at Rock Baby Rock noong dekada ‘70. Siya rin ang sumulat ng awiting Bakit Ba Ganyan? na kinanta ni Dina Bonnevie, ang future wife niya noon at ng Kung Sakali na originally sung by Pabs Dadivas na ni-revive ngayon ni Ogie Alcasid.
Nang pasukin na ni Tito ang pulitika, nagsimulang gumawa ng solo projects niya si Vic. Ilan sa sitcom na ginawa niya ay ang Si Malakas at si Maganda, Tunay na Magkaibigan, ang Okay Ka Fairy Ko na ilang beses na ring naisalin sa pelikula, at ang katatapos lang sa GMA-7 na Ful Haus.
Nakatuluyan ni Bossing si Miss D. Sina Oyo Boy at Danica ang naging mga supling nila. Pero hindi nagtagal ang pagsasama ng mag-asawa. Na-link din si Vic sa actress-TV host, at evangelist na ngayon na si Coney Reyes, kay Angela Luz, at sa dati nilang co-host sa Eat… Bulaga! na si Christine Jacob. Sa kasalukuyan, si Pia Guanio ang girlfriend ni Bossing.
Ang latest movie ng ‘next Comedy King’ ay ang Love Online katambal si Paula Taylor. Pero sa tuwing nababanggit kay Bossing ang titulong ‘Comedy King,’ lagi nitong sinasabing si Mang Dolphy lang ang may karapatan sa tronong ‘yon. Mas gusto niya raw makilala sa kanyang sariling kakayahan.
Click to enlarge.