HINDI na rin nakatiis ang actor-TV host na si Vic Sotto na magbigay ng babala sa mga nagpapakalat ng fake news sa social media. Katulad ng ibang Pinoy celebrities at mga artista, hindi rin nakaligtas si Bossing Vic na mabiktima ng cyber bullying.
Marami kasi ang kumikita sa social media sa pag-iimbento at pagpapakalat ng mga pekeng balita online at kadalasang tina-target ng mga ito ang mga celebrities na tulad ni Bossing.
“Ito, makinig kayo. Ito ang hugot ko for today,” natatawang pero seryosong pahayag ni Vic.
“Sa mga nagsa-cyber bully o gumawa ng fake news o naninira ng tao sa social media o sa ibang paraan, lagi n’yong tandaan na may nasasaktan kayo at ‘yan ay pagbabayaran n’yo,” dagdag pa niya.
Hindi naman idinetalye ng TV host kung paano siya nabiktima ng fake news. Pero nitong mga nagdaang araw ay umugong ang balitang siya diumano ang ama ng anak ni Julia Clarete na dati nilang co-host sa Eat Bulaga.
“Huwag n’yo isipin na dahil pinalalampas lang nu’ng iba ay mahina na o naduduwag. Nakikita kayo. Tandaaan n’yo ‘yan, nakikita kayo at hindi natin yan palalampasin.
“Darating ang araw na may paglalagyan kayo — n’yo!” babala pa niya.
“Abangan n’yo ’yan. Basta yung mga nambu-bully at namimeyk news — n’yo!” hirit pa ni Vic.
Ang pinakahuling biktima ng fake news ay sina Sen. Kiko Pangilinan at Sharon Cuneta kung saan para makakuha ng maraming Youtube viewers ay gumawa ng fake news ang may-ari ng Youtube channel.
Kinasuhan na ni Sen. Kiko ang may-ari ng Youtube channel kaya sarado na ang account nito ngayon at hindi na napapanood.