WALANG natapos na pelikula ang TV host-comedian na si Vic Sotto kaya wala siyang magiging entry sa darating na 2022 Metro Manila Film Festival (MMFF) sa December 25. Taun-taong inaabangan ng moviegoers ang pelikula ni Vic kapag Pasko pero dahil sa naranasang pandemy at dahil kulang na rin sa panahon kaya minabuti niyang huwag munang gumawa ng pelikula sa taong ito.
“Ang totoo, miss na miss ko ang festival at gumawa ng pelikula,” bulalas ni Vic sa PUSH. “Actually, may concept na kami for an entry, kami nila Mr. Tuviera sa APT Entertainment pero hindi namin kayang tapusin. Hindi naman ako ‘yung tipong matapos lang, makasali lang,” dagdag pa niya.
Gusto rin daw niyang siguraduhin na tuwing sumasali siya sa taunang MMFF ay mataas ang kalidad ng kanyang pelikula bukod pa sa hatid nitong entertainment value.
Aniya, “When it’s meant for me, for us, my group, kapag kami ay sasali, kailangan mataas ang kalidad at hindi naman pwedeng ganu’n-ganu’n lang. But we’re targeting to join again next year. So most probably, next year, balik MMFF na ako.”
Ang huling pelikulang naging entry ni Bossing sa MMFF ay ang Mission Unstapabol: The Don Identity na ipinalabas noong 2019. Ang pelikula ay idinirek ni Michael Tuviera kung saan nakasama niya sina Maine Mendoza, Jake Cuenca, Jose Manalo, Wally Bayola, Pokwang at marami pang iba.
Hanggang ngayon ay welcome naman para kay Vic na makasama at makatrabaho sa pelikula ang mga artista mula sa ibang TV network.
“Alam niyo naman, kakampi ko lahat — kapamilya, kapatid, kapuso. Pero Kabisote lang ako. Kahit saan, pwede ako.
“Walang masamang tinapay. Everything, no problem at all. Ever since, I never really had a problem pagdating sa trabaho,” sabi pa ni Vic.
Hindi rin daw issue sa asawa niyang si Paulene Luna kung sino ang magiging leading lady niya.
“Ever since, I never really had a problem pagdating sa trabaho. Kung sino katrabaho ko or kung sino ang kasama sa pelikula. Ang maganda kay Paulene, nasa industriya din siya.
“Naiintindihan niya ang trabaho ko. Kung sino bagay sa role na ‘to. Sa kanya nanggagaling ang suggestions kung sino bagay sa ganitong character. Never kaming nagkaroon ng argument or pagtatalo.
“When it comes to leading lady or concept ng projects, she is always supportive. Yung mga utak namin, hindi naman nagkakalayo. Ang isip niya, isip matanda, ako, isip bata. Wala talaga kaming problema,” paliwanag ng komedyante.