Vice Ganda, ‘di totoong naningil nang mahal sa isang event!

NATAWA KAMI SA headline ng isang tabloid: “Empress, gusto nang mag-drive mag-isa.”

Dapat, ang headline ay:  “Empress, gusto nang mag-drive.”

O, baka hindi lang namin nalalaman na puwede palang dalawa ang mag-drive. Hehehe!

KULANG NA LANG, pangalanan sa isang blind item sa Juicy kamakailan na si Vice Ganda ay naningil nang mahal eh, magdya-judge lang naman daw siya sa isang event ng isang car company.

Ang theme ng event ay parang Showtime kaya ang kinuha ay mga taga-Showtime. P250-K daw ang singil ni Vice. Pero nu’ng malaman ni Vice na hindi na niya makakasama ang ilang hosts para sa nasabing event, nagpresyo raw agad ng P450-K.

Wala na lang daw choice ang kumuha kay Vice, kaya bumigay na ito sa P450k. Tapos, ang nangyari pa raw, inokray ni Vice ang isang contestant at na-offend ito.

Kaya ang sabi nila sa Juicy, “Ah, siya kasi ‘yung tipong ang gusto niyang sabihin sa show, nasasabi niya on-air, kaya bitbit niya ‘yung gano’ng ugali sa event.”

Ang clue nila ay “second beautiful” na inilapit pa sa “Vice Mayor, Vice President”.

Obviously, si Vice Ganda ang tinutukoy, ‘di ba?

Tanga na lang ang hindi makakahula na si Vice Ganda ‘yon.

BILANG MANAGER NI Vice Ganda, at nagkataong isa rin kaming reporter, gusto lang naming linawin ‘yung “unreliable source” ni DJ Mo Twister na pinaniwalaan agad nila.

Una, wala akong natatandaang may tinanggap kaming car company event. Meron, cigarette company. Pero sorry, hindi kami naningil ng P450-K. Mababa du’n ang siningil namin.

At ang mga tao roon sa event ay tawanan nang tawanan. Kung may na-offend man, gano’n naman sa trabaho ni Vice bilang siya’y isang stand-up comedian. And he can’t please everybody.

Ngayon, kung ang irarason ng Juicy hosts na hindi si Vice ‘yong tinutukoy, ang importante, alam nila kung sino ang tinutukoy nila.

KAMI RIN NAMAN ay nagba-blind item, eh. Pareho lang kami ng trabaho. Pero if we could speak for myself, mas may nao-offend sa opinyon ko, hindi sa mga blind items ko.

Iniiwasan naming tukuyin nang tukoy na tukoy ang artista sa blind item. Laging may benefit of the doubt. Kung minsan ay bibigyan namin ng rason kumba’t nangyari ‘yon o kumba’t niya inugali ‘yon.

Natatawa nga kami, eh. Walang karapatang mang-offend si Vice, pero ilang hosts ng Juicy, puwedeng mang-offend, gano’n ba ‘yon?

THEY SHOULD PRACTICE what they preach. Mas susundin ng mga artista ang ipinapayo nila kung sila mismo ay “tagasunod” ng sarili nilang mga payo.

Alam namin na kung estilo nila ‘yon, estilo nila ‘yon. Kung paanong may estilo si Vice Ganda o ako o ang kahit na sinong artista kung paanong makipag-communicate sa kanilang audience.

Pero sana, ‘wag namang palutangin na at the end of the day, ang mga sinasabi nila sa Juicy ang tama at dapat sundin o dapat katakutan.

Iisa-isahin pa ba namin kung anong mga blind item ang mga “hinugot na lang sa baul” at nire-rehash na lang at ina-update?

Sino’ng malinis?

Lahat tayo, may kabaitan, may kagagahan, may kalokohan, may kasalbahehan, may kabulukan sa katawan, sa buhay, sa nakaraang pagkakataon.

Kung hindi tayo sigurado sa ating ibina-blind item, puwedeng laliman ang clue o bigyan ng benefit of the doubt ang mga sangkot sa isyu o kaya ay katwiranan kumbakit ‘yun ang blind item.

Higit sa lahat, ‘wag tayong magsasabi na “pangit” ang isang tao kung hindi rin naman tayo kagandahan.

Oh My G!
by Ogie Diaz

Previous articleHAMON KAY WILLIE REVILLAME… TAPATAN MO ANG EAT… BULAGA!
Next articleJODI STA. MARIA, ‘DI RAW PAPATOL SA DYOWA NI IWA!

No posts to display