BUONG PAGPAPAKUMBABANG inamin ni Vice Ganda na hindi nila kayang talunin ang Eat… Bulaga!.
“Nung ginawa nga tayong noontime, parang sabi kong ganu’n kila ano, sa mga boss natin. ‘Okay ba sa inyo na gagawin kayong noontime? ‘Hindi po. Okay na kami sa morning show. Lahat kami, ‘di ba? Lahat tayo nagkaisa na ayaw namin ng noontime, gusto namin morning show lang, ganyan-ganyan.
“Sabi ng boss namin, ‘Bakit?’ Kasi naman po lalagay ninyo kami sa noontime, ‘di naman namin kayang talunin ang Eat… Bulaga!.’
“‘Di ba? Kahit pagsama-samahin namin ang powers namin dito at magtitiwarik ho ako rito, ‘di ho namin kayang talunin ang Eat Bulaga.
“Pero sabi ng boss namin, ‘Sino ba ang nagsabi sa inyo na tatalunin n’yo ang Eat Bulaga?
“‘Hindi naman namin kayo lalagay sa noontime para talunin ang Eat… Bulaga!. Sasamahan n’yo lang sila sa pagpapasaya ng tao.’
“Kaya magmula ng araw na ‘yun na inilagay kami sa noontime, hanggang ngayon, wala kaming nararamdamang ano, kasi wala naman kaming intensiyong makipagtalo at makipag-away. Sa simula pa lang po, talo po kami. Itinataas po namin ang bandera nila dahil sila ay aming mga idolo at mga modelo. Wala kaming… hindi namin matatalo ‘yan,” mahabang paliwanag ni Vice.
“Ang saya-saya ko, kasi ang tweet ko nga kaninang umaga ano, ‘This is a day to be very grateful.’ Sobrang grateful ko ngayong araw na ito kasi anim na taon, hindi biro ‘yon, ha? Sa bilis ng pagpapalit ng panahon, sa bilis ng gusto ng mga tao, sa bilis ng tiwala ng mga tao, ibang klase ‘yung six years. At ang laki-laki ng nagbago sa paligid ko, ang laki ng nagbago sa mundong ginagalawan ko, ang laki-laki ng nagbago sa buhay ko. At ano man ang mangyari, wala akong nararamdamang sama ng loob, galit, lungkot, ngitngit, puro tuwa lang at pagpapasalamat kasi ang laking blessing talaga nitong Showtime hindi lang sa akin, kundi sa inyong lahat, lalo na ‘yung nakatutok pa rin sa atin hanggang ngayon,” dagdag pa ng stand-up comedian.
May pakiusap din si Vice sa mga fans.
“‘Wag ho kayong mag-away-away sa social media. Ang dami ko nang kilala na nabawasan ang mga friends sa Facebook dahil nakikipag-away. Hindi n’yo ho kailangang makipag-away sa mga tao kung sinong number one na show, dahil kami pong mga hosts ng Showtime at Eat… Bulaga! ay hindi magkakaaway sa totoong buhay.”
Lex Chika
by Alex Valentine Brosas