Ang sipag ng mga cast ng pelikulang “The Super Parental Guardians” na kinabibilangan nina Vice Ganda, Coco Martin, at ng dalawang bagets na sina Onyok at Awra sa effort na mag-promote ng pelikula nilang palabas na simula Miyerkules, November 30.
Hindi man napiling mapasama sa darating na Kapaskuhan sa 2016 MMFF dahil sa bagong patakaran at standard nila, heto’t mas excited ang publiko ng tambalang hit na hit sa takilya nina Vice at Coco. Mas maganda kasi ang magiging exposure ng pelikula dahil hindi sila saklaw sa kung ilang sinehan lang ang puwede nilang paglabasan sa darating na Kapaskuhan.
Last weekend, super busy sina Vice at Coco sa kanilang promo tour sa iba’t ibang malls at palengke sa buong Metro Manila. Pinagkaguluhan ang komedyante sa Farmer’s Market at sa Farmer’s Mall noong Sabado. Parang palengke promo tour ni Sharon Cuneta dati na dinalaw namin ang mga palengke ng Bambang at Central Market para ibaba siya sa masa.
Last Saturday, si Vice nasa Fisher Mall sa may Quezon Avenue at nag-promote. Today, Sunday, ang dalawa ay nasa Trinoma at SM North. Sa huling hirit ng weekend promo campaign para sa pelikula, humataw pa ang aktor sa Lucky Chinatown as part of the film’s promotion.
Bukod kasi sa mga television promo nila sa iba’t ibang shows, ang mga artista sa pelikula na maagang Pamasko ng Star Cinema ay nagri-reach out sa kanilang fans at supporters.
“At least nagawan ng paraan ng Star Cinema na maipalabas ito bago mag-Pasko, kung hindi man kami nakasali sa MMFF. Malungkot ako nang malaman ko, pero knowing me na always positive ang pananaw sa buhay, positibo ako na ang hindi namin pagkasali ay may magandang kalalabasan,” sabi ng komedyante.
Kuwento niya, okey ang naging unang trabaho nila ni Direk Bb. Joyce Bernal. Mas nasanay kasi ang publiko at showbiz na palaging si Direk Wenn Deramas ang direktor ng hit movies niya.
Akala nga ng marami, mahihirapang mag-adjust ang komedyante sa pagbabago na nangyari sa kanyang karir dahil hindi na si Direk Wenn ang director niya at si Bb. Joyce na nga.
“Pero may kanya-kanya pala silang istilo. May kanya-kanya silang humor na na-discover ko lang nang magkatrabaho kami ni Direk Joyce,” sabi niya.
Sa full trailer, aliw na ako sa eksena nila ng batang beki na si Awra tungkol sa pasta at ang “batang ulikba” scene ng dalawa. Epek din sa akin ang shower scene nila ni Coco.
I’m sure, happy ang mga bata nito. Wala man silang mapanonood na Vice-Coco movie sa December 25, at least mas maaga ang pa-Christmas ng mga idolo nila. At sa Wednesday, they will be celebrating Christmas in advance.
Reyted K
By RK VillaCorta