Vice Ganda, ‘di type na maging next Dolphy!

SA NAKARAANG thanksgi-ving party ni Vice Ganda para sa kanyang mga kaibigan sa press, agad naming pinaklaro ang balita na lumabas na kaya ilang araw raw siyang ‘di napanood sa Showtime ay dahil nagkapikunan daw sila ng co-host na si Kim Atienza on air at nagpalipas daw muna ng inis ang komedyante.

Alam ni Vice na ang tinutukoy na ugat daw ng sinasabing pinagkatampuhan daw nila ni Kuya Kim ay ang diskusyon nila tungkol sa isang bata na inakala ng lahat na nauwi sa isang mainit na argumento. Ipinaliwanag sa amin ng komedyante na hindi ito personal na atake niya sa co-host at vice-versa. Para sa kanya ay patunay lamang ito na may mga utak ang kasamahan niya sa Showtime at ‘di puro harutan lang ang puwede nilang gawin sa programa.

Aminadong minsan ay nagkakapikunan sila ng mga co-hosts dahil matitindi ang kanilang biruan lalo na ‘pag off-cam, pero siniguro sa amin ni Vice na magkakaibigan silang lahat kaya malabong lumalim at personalin ang ganitong mga bagay.

Napanood na kahapon sa Showtime, dapat ay hanggang sa Lunes pa babalik si Vice, pero pinakiusapan siya ng kanilang direktor na bumalik na. Ikinuwento rin sa amin ng comedian/TV host na nagpalitan pa sila ng regalo ni Kuya Kim kung saan niregaluhan niya ng DVDs ng mga pelikula nila ito dahil hindi ito nakaa-attend sa mga premiere night nila, samantalang isang libro naman na tungkol sa kalusugan ang regalo sa kanya ni Kuya Kim.

Hiningan din namin ng reaksiyon sa sinasabi ng iba na siya na raw ang next Dolphy at sa kanya na ang titulo as Comedy King, nagbigay-pahayag si Vice na walang puwedeng pumalit sa trono ng namayapang komedyante at bilang respeto ay mali na kamamatay pa lang nito pero hinahanapan na kaagad ng kapalit.

Para kay Vice, nag-iisa lang ang Hari ng Komedya at bakit niya gugustuhin na maging susunod na Dolphy kung siya naman ang una at huling Vice Ganda, kung saan tinatawag siyang Phenomenal at Unkabogable Star, na siya nga naman ang nagpasimula ng nasabing salita.

Tumatabo sa takilya ang Sisterakas na na-ngunguna sa lahat ng entries ng MMFF kung saan balita na malapit na itong maka-P300 milllion, nagpakatotoong ikinuwento sa amin ni Vice na masaya at malungkot siya sa laki ng kinikita ng nasabing pelikula. Masaya siya dahil pelikula niya rin ang Sisterakas at kaibigan niya sina Ai-Ai at Kris. Pero nalulungkot siya dahil baby niya ang Praybeyt Benjamin at mahal na mahal ang pinagbidahang pelikula na nagbigay sa kanya ng titulong Phenomenal Box Office Star.

‘Di umalis ng bansa noong nakaraang Pasko at Bagong Taon dahil kasama ang ina, nasa probinsya naman ang boyfriend ni Vice kung kaya’t di sila magkasama sa mga espesyal na okasyon.

SA MAGANDANG pagtanggap ng tao sa mga MMFF entries nitong nakaraang Kapaskuhan, nandu’n ang hiling namin na sana ay mas mainit na tanggapin at suportahan ng publiko ang mga pelikulang Pilipino.

Nakalulungkot nga ang nangyari na na-pull out agad sa mga sinehan ang pelikulang Thy Womb, ga-yong de-kalidad, maganda ang tema at nagkamit pa ng mga international award sina Ms. Nora Aunor at Direk Brillante Mendoza sa husay ng pagakakagawa at galing na pinamalas dito ni La Aunor.

Sana matutuhan din ng masang Pilipino na magpahalaga ng mga pelikula na ang layunin ay hindi lang para lumibang o magpatawa, kundi mga pelikulang may malalim  at makabuluhan ding tema.

Maiba Lang
By MELBA R. LLANERA

Previous articleCesar Montano, nagkatotoo ang panaginip na makatrabaho si Ate Guy!
Next articleMaxene Magalona does the ‘todo-explain’

No posts to display