SABI NILA, pasaway ang karamihan ng Pilipino. Para maging aware sila sa iba’t ibang bagay, kailangan mong sabayan ang trip nila.
Si Vice Ganda ang isa sa pinakasikat na Pinoy celebrities natin sa bansa. Bilang box-office star at main host ng daily variety show na ‘It’s Showtime’, pagiging business owner ng Vice Cosmetics at ngayo’y vlogger na rin sa YouTube, pinasok na rin ng talented comedienne ang pagiging TikToker.
Siguro ay frustrated na rin si Vice Ganda sa napapanood niya sa balita araw-araw. May mga araw na nagpopost ito ng mga reminders o points to ponder sa Twitter, pero hindi na ‘yata sapat ito.
Simula nang magkaroon ng Enhanced Community Quarantine o ECQ sa bansa ay natigil ang production ng TV, movies at iba’t ibang forms of entertainment. Dahil dito, no choice ang mga tao kundi manood ng reruns ng ilan sa mga hit teleseryes ng ABS-CBN at GMA. Ang iba naman na mas nakaluwag-luwag ay nakapagsubscribe na sa iba’t ibang video streaming sites tulad ng Netflix, HOOQ, iWant, Viu atbp. Ang ilan naman ay nagdesisyon na maging entertainer sa pamamagitan ng pag-install ng Tiktok App.
Hindi kami sure kung matagal nang may Tiktok account si Vice Ganda, ngunit trending ito ngayon dahil sa kanyang ‘straightforward but true’ Tiktok update patungkol sa kung ano ang sanhi ng muling pag-extend ng Enhanced Community Quarantine sa Pilipinas:
“Tatayo, lalamon, hihiga na naman ako. Iisipin na lang na panaginip lang ang lahat ng ito ooooh…
O bakit ba humaba ang quarantine? Eh kasi nga ang mga Pinoy makukulit din. Kapag sinabi mong huwag lumabas, lalabas. At kapag nagkasakit naman magsisisihan.
Madaling sabihin “pahingi ng ayuda”, pero sumusunod nga po ba? – @unkabogableviceganda”
Habang isinusulat namin ito ay trending ang Unkabogable Box-Office Star. May mga sumang-ayon sa sentiments ni Vice Ganda, and as expected, may ilan na naman na ‘na-offend’ sa maikling video na ito.
Sure kami na hindi nilalahat ni Vice ang mga Pilipino. Alam naman natin lahat na ang mga frontliners ay talagang kailangang magtrabaho at may mga assigned na bumili sa grocery at palengke para sa pangkain sa araw-araw. Ang kaso, may ilan talaga na pasaway na kahit na sinabihan na ng gobyerno o ng kaanak na huwag lumabas ay pinipilit pa rin ang kanilang gusto. Naisip siguro ni Vice na kung hindi effective ang pamamaraan ng pag-educate sa mga pasaway na Pinoy ay sasabayan na lamang niya ito at pagsasabihan sa pamamagitan ng Tiktok. Tutal, ‘yun naman ang nagiging tambayan ngayon ng mga taong bored na sa kani-kanilang bahay.