HINDI PA 100 percent sure kung sasali si Vice Ganda sa 2020 Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayong December. Nasa planning stage pa lang daw kasi hanggang ngayon ang Praybeyt Benjamin 3 na balak i-produce ng Viva Films at Star Cinema.
“Mayrong plan ang Viva at Star Cinema for this December, hindi pa lang napa-finalize kung kelan mag-i-start saka yung lahat ng issue na kailangang i-finalize. Pero parang lahat plano pa lang,” pagtatapat ni Vice sa ginanap na virtual presscon para sa digital channel niyang Vice Ganda Network.
“Pero iniisip ko pa, hindi ko alam kung paano isu-shoot,” pahabol niyang pahayag tungkol sa pelikula.
May nasip na raw silang concept para sa movie pero hindi pa ito final.
Aniya, “Ang concept nung entry, again hindi pa siya final, pero bibigyan ko na lang kayo ng konting idea. Hindi siya magiging masyadong pambata this time.
“Kasi unlike before, yung past movie ko puro pambagets talaga, eh, di ba – fantasy ganyan. Eh, since hindi naman puwedeng lumabas ang mga bata, ang mga minor papuntang sine so, maia-adjust mo yung concept.
“Sinasabi ko nga sa kanila, so puwede tayo ng love story. Kasi hindi naman kinakailangang pambata na kailangang super wholesome yung movie. Pero definitely it’s gonna be a family movie still.”
Kung noong walang pandemic ay very competitive si Vice at game sa kompetisyon lalo na sa telebisyon, ngayon ay nabago ito ng pinagdadaanang health crisis ng buong mundo.
“Hindi mo siya maiisip ngayon at saka paanong kompetisyon, wala nga kami sa ere, di ba? Kanino kami makikipag-compete?” lahad ng It’s Showtime host.
“Mas uunahin ko na munang bumili ng mask. Mas uunahin ko na munang siguraduhin na wala akong covid. Mas uunahin ko na munang mapakain yung sarili ko at yung pamilya ko. Mas uunahin ko na munang tumulong do’n sa mga kapamilya ko na nangangailangan ng tulong kaysa isipin ko pa yung kompetisyon. No, it’s not right,” pagdidiin pa niya.
Ibinahagi rin ni Vice sa amin na nami-miss na niya ang dating ginagawa nila sa It’s Showtime nina Jhong Hilario at Vhong Navarro.
“Honestly na-miss ko yung the old Showtime in general – doing the show with the live audience, yung madlang people. Yung energy ng madlang people nakaka-miss yon, sobrang nakaka-miss yon, ibang klase yon.
“Nagsu-Showtime kami ng walang audience tapos hindi mo alam kung havey ka ba o waley kasi wala namang nagre-react – yung ganun. Hindi mo malaman kung okey yung ginagawa mo o hindi.
“Pangalawa, yung hindi kami makapagbugbugan nina Vhong, nina Jong, hindi nila ako masaktan. Nami-miss ko yung hinaharang nila ako at naghahabulan kami. Lahat kami physical yung hosting namin na ginagawa, nami-miss ko yon.
“It’s never the same, the fun is never the same, ang layo, eh. Sobrang layo at lahat yon nakaka-miss at nakakalungkot pag naiisip ko. Pero we have to survive this challenge at okey na okey ako don,” deklara pa ni Vice.