KALOKA ANG Philippine Movie Press Club (PMPC). Kung kalian taon ng pagse-celebrate nila ng 30th anniversary ng samahan na pinasimulan ni Mang Danny Villanueva. Nakilala namin siya nang personal noong nagsisimula kaming magsulat in the early 80’s sa magazine ni Kuya Mar de Guzman at Ces Evangelista. Panahon ‘yun na masasabing “golden years” ng entertainment writing.
Panahon ‘yun na ang mga entertainment writer ay may mga sinasabi. Pagalingan ang pagsusulat noon. Kanya-kanyang istilo na saliwa sa sampu-samperang reporters na sa panahon ngayon na isasalang mo lang ang tape recorder mo (from their mobile phones) at isasahod sa nag-interview (may materyales ka na), presto at pakinggan mo lang with an ear phone and write it as is with konting intro at extro ay instant manunulat ka na.
Noong panahon na ‘yun, bukod sa labanan ng istorya, ang background mo bilang tao o sa mundo na pinagmulan mo ay kinikilatis ng mga patnugot mo. It reflects kung ano ang magiging panulat mo.
May mga manunulat na mula sa mundo ng panitikan noon. Mula sa Unibersidad ng Pilipinas o ‘di kaya, mga galing sa mga patimpalak ng Carlos Palanca (na I’m sure hindi alam ng karamihang reporters ngayon), o ‘di kaya’y mga manunulat ng prosa na pinanday ang kagalingan nila sa pagsusulat sa Liwayway na fan kami noong high school pa.
Pero iba na ang panahon ngayon. Hindi na laban ng pagalingan ang pagiging movie or entertainment writer. Binago na ng panahon at ng ekonomiya. Malayo na sa panahon ng Jingle Extra Hot noon na bibliya ng showbiz noon. Panahon ‘yun na ang pagkakataon mo na ma-interview ng henyong si Gilbert Guillermo publisher at editor-in-chief ng Jingle Extra Hot ay pangarap ng sino mang gustong makapasok sa mundo ng entertainment writing.
Sarap balik-balikan ang panahong ‘yun na ang prinsipyo ay hindi basta-basta nako-corrupt. Mga idealist pa noon ang entertainment writers (at ngayon ay mabilang mo na).
Sabi nga, huwag mong bilhin, kausapin mo. Pakiusapan mo. Magpakatotoo ka lang at maiintindihan ka.
Sa nangyayari ngayon sa showbiz, ang sinasabing scam na naganap sa PMPC Awards for Movies last Sunday na ginawa sa Solaire Resort and Casino, ay patunay lang ng kabulukan ng sistema na umiiral sa utak ng entertainment writers na member ng grupo, na ang ilan sa kanila ay nabubuhay na sa kultura ng korapsyon.
Papaano mo matatanggap that Vice Ganda won as Best Actor sa ginampanan niyang role bilang Girl, Boy, Bakla, Tomboy over a Joel Torre for OTJ or Jake Macapagal in the film Metro Manila; even Piolo Pascual also for OTJ and Jeorge Estregan for Boy Golden?
Ang balita namin, ang pagkapanalo ni Vice (too early at this time at wrong timing), hindi lang si Francis Simeon (tulad sa kuwento ng ilan sa mga taga-loob ng PMPC) ang may pakana, kundi isa rin sa dating namuno sa PMPC. Sinasabing may kanya-kanyang faction para maitawid at maipanalo ang kanilang kandidato
I have texted Francis (a personal friend) para makuha ang side ni Vice sa pagkapanalo nito for the first time sa kategoryang Best Actor na may kabuntot namang intriga, pero never kami nakakuha ng reply from Francis.
I just don’t know kung happy si Vice at maipagmamalaki niya ang Best Actor Award na ‘yun, na ang kaibigan niyang si Toni Gonzaga (one of the host that night) ang siyang tumanggap on his behalf. Not even sa It’s Show Time, ay may congratulatory greetings ang palabas sa pagkapanalo niya.
I don’t now kung kinarir ni Vice ang pagkapanalo sa PMPC o may mga tao lang talaga na nagplano para maipanalo siya na pulpol ang istratehiya at pagiging propagandista na nalagay tuloy sa alanganin ang host-comedian sa sitwasyon na wala sa timing.
Sa kaso ni Francis na hindi nagre-reply sa limang beses namin na pag-text sa kanya, as of Monday evening, may mensahe ang PMPC Secretary Mildred Bacud and to quote: “As per pres. (president); sa lahat po ng mga isyung kinahaharap ngayon ng PMPC, wala daw pong magbibigay ng reaction sa panulat, fb, twitter o kahit sa kaninoman. Wait daw po ang desisyon ng board at execom,” end of quote.
Reyted K
By RK VillaCorta