HANGA KAMI sa fashion magazine na Mega sa ginawa nilang matapang na hakbang na ilagay si Vice Ganda sa kanilang September 2015 issue sa cover. Alam naman natin, lalo na ‘yong mga subscribers ng Mega at ilang mga local fashion and lifestyle magazines, na palaging mga magandang babae ang nasa cover nila.
Kaya nga matapang ang publisher ng Mega na i-cover si Vice na nakasuot ng isang magarang pink colored gown nag-shoot pa sila sa Hokkaido, Japan na nakapaligid ang mga lavender flowers. Hindi ito ordinaryo. Isang malaking hakbang ito sa fashion world sa Pilipinas na alam ko, marami ang mag-uusisa at magtataas ng mga kilay.
Bakit si Vice? Bakit isang bakla? Ano na ang nagaganap sa mundo ng local fashion na sa dinami-rami ng mga modelong magaganda, isang Vice Ganda lang ang kanilang inilagay sa cover?
Ang naturang cover, isang radical na desisyon para sa babasahin na gawin ito sa dati-rati’y nakakahon nilang konsepto na puro babae na kinulapulan lang ng make-up, pero ‘yun lang ang simpleng mensahe na gusto nilang itawid na magaganda ang mga itsura ng mga babaeng nakapostura at magagara ang mga suot na yari at disenyo ng mga local designers, kung hindi man ng mga sikat na mga international fashion houses.
Pero panalo ang LGBT community sa ginawa ng magazine sa kanilang September issue na lalabas na next week (Wednesday, September 9), dahil binigyan nila ng pagkakataon ang isang tulad ni Vice na nagtataguyod sa karapatan ng mga “kafatid” nating mga LGBT, na sa pamamagitan ng naturang babasahin ay maitatawid ng comedian-host ang mensahe na sa mundong ibabaw na lahat ay pantay-pantay at may karapatan.
Reyted K
By RK VillaCorta