AYAN, SI OGIE Diaz, ang bago kong manager!
Ilambeses ‘yon. ‘Pag nanonood kami ng wife ko (si Georgette) sa set niya sa Laffline o Punchline at nakikita niya kami sa audience gallery ay ‘yun ang kanyang bukambibig.
Nag-aaplay siyang maging talent namin sa mikropono sa entablado. Kami naman, mixed emotions. Naaaliw at the same time, nape-pressure.
Ang galing-galing kasi ni Vice Ganda, eh. Sa sobrang “okrayera” niya on stage, baka magkaokrayan lang kami palagi ‘pag nagsanib-puwersa kami bilang manager-talent.
Saka that time, parang ayaw pa rin naming mag-manage. Hanggang sa nakarinig kami kay Vice ng, “Sige na, ‘teh, i-manage mo na ‘ko, kahit pa-guesting-guesting lang, go!”
INUMPISAHAN NAMIN SA Sharon show. Click na click si Vice Ganda. Ibinenta namin sa Maging Sino Ka Man bilang sidekick ni Toni Gonzaga.
Hanggang sa siya’y naging si “Salaminsim” sa Dyosa ni Anne Curtis na nagrereklamo pa si Vice nu’ng una, dahil naka-chroma lang siya palagi, dahil lagi siyang nasa salamin at lumalabas siya bilang “kunsensiya.”
Sa Wowowee, lagi siyang nagmo-moment. Thanks to Willie Revillame na binibigyan siya talaga ng chance to shine.
Gumawa rin siya bilang “supporting” sa Apat Dapat Dapat Apat ng Viva Films.
Hanggang sa may patawag ng go-see. Merong dry-run. Titingnan ni Direk Bobbet Vidanes kung okay ang show. Si Long Mejia ang original choice para sa upuan niya bilang unevictable judge.
At si Vice naman ang tumayong one of the evictable judges. Eh, tila na-feel ni Direk Bobbet at ng production staff na mas nakakatawa at “latest” ang brand of comedy ni Vice Ganda, kaya ayun… the rest is history.
ANG SHOWTIME ANG nagbukas ng pinto kay Vice Ganda para sa mas marami pang oportunidad. Nandiyang most requested siya sa mga out-of-town shows at shows abroad.
Puno lagi ang shows ni Vice. Hanggang sa matunugan ng concert producer na si Joed Serrano na “sugalan” sa Araneta Coliseum si Vice, kaya ayun, among all the local artists, noong May 15, 2010 lang napuno at nagkaroon ng SRO crowd ang concert ni Vice Ganda.
At sumunod na doon ang mas marami pang offers. Ang pelikulang Hating Kapatid ay tumabo sa takilya at super duper blockbuster din ang launching movie niyang Petrang Kabayo nu’ng October 13 na tumakbo ng limang linggo sa mga sinehan at humamig ng mahigit P133 million.
Siya rin ang kauna-unahang Pinoy celebrity na may more than 2 million fans sa fanpage niya sa Facebook. At muli ay pumirma na naman siya ng kontrata sa Globe Telecom bilang endorser.
Nakatakda siyang gumawa ng isang solo movie uli at isang pelikula kasama si Ms. Ai-Ai delas Alas.
“HINDI KO PA rin akalain na mararating ko ‘to. Ang gusto ko lang dati, pa-guesting-guesting. Ngayon, parang hindi pa rin nagsi-sink in sa utak ko na ‘eto na nga.
“Siguro, kung hindi rin tama ang mga moves ko, ang moves natin, hindi ko rin ito mararating.
“Kung panaginip man ito, sana, ‘wag na akong magising. At dahil blessed din naman ako, hindi na rin para ipagmakaingay ko kung paano ko ibinabalik sa Diyos ang mga blessings na ibinibigay niya sa akin.”
INIHAHANDA NA ANG concert ni Vice Ganda sa Araneta Coliseum sa darating na May 14, “At gusto ko, ibang-iba ito sa unang napanood nila.
“My supporters deserve only the best. At ‘yung next movie, mas nakakatawa, nakakaaliw sa ‘Petrang Kabayo.’ Nakaka-guilty na ibibili na lang nila ng tatlong kilong bigas, inonood pa nila sa akin.
“Kaya dapat, sulit na sulit ang perang ibinili nila ng ticket. Kaya nga kahit nape-pressure ako, pinaghahandaan kong lahat ‘yan.
“This is it! Party! Party!”
Oh My G!
by Ogie Diaz