HALATANG na-miss ni Vice Ganda ang taunang pagsali niya sa Metro Manila Film Festival. Ngayong 2020 kasi ay walang entry si Vice, maging sina Coco Martin at Vic Sotto na palaging laman ng MMFF.
Sa tweet ni Vice nung opening day ng MMFF last December 25 kakaiba ang naturang araw sa nakagawian niya tuwing meron siyang MMFF movie na ipinapalabas. Inamin din ng actor-TV host na nami-miss niya ang dati.
“Dec. 25, 2020 Walang MMFF first day kaba and ngarag. Walang cinema tours. Walang mall tours. Walang kaliwa’t kanan na texts and calls from VIVA and Star Cinema kung magkano na ang gross every after screening hours. Tahimik lang. Kalmado lang. ibang iba. Kakamiss din,” sambit ni Vice sa kanyang Twitter.
Mula 2013 ay may MMFF movie si Vice na kadalasan ay nagta-top grossing pa. Ilan sa mga naging entries niya ay ang Girl, Boy, Bakla, Tomboy (2013), The Amazing Praybeyt Benjamin (2014), Beauty and the Bestie (2015) with Coco Martin, at marami pang iba.
Last MMFF movie ni Vice ay ang The Mall, The Merrier (2019) kung saan nakasama n’ya si Anne Curtis. Dahil sa reaksyon ni Vice ay bumuhos naman ang pagmamahal at suporta ng kanyang mga tagahanga na na-miss din siyang makita sa pelikula tuwing Christmas.