NOONG UNA, ayaw ko kay Vice Ganda. Parang masyadong prangka ang dating sa amin ng comedian-host. Kapag pinapanood ko siya, napapangiti niya ako kung minsan, pero kadalasan naiirita ako noong una. Ewan ko kung ano ang dahilan. Siguro hindi lang ako sanay noon sa mga entertainer na diretso, prangka, at straight to the point.
Pero after following Vice sa Gandang Gabi Vice tuwing Sunday at sa kanyang noontime show na It’s Showtime sa Kapamilya Network, naintindihan ko kung bakit ganu’n ang “Unkabogable Celebrity Host”.
Pero kung titingan mo ang istilo niya, salamin lang pala siya ng utak at emosyon natin na hindi natin mailabas-labas, na nahihiya tayo na baka may masabi ang iba sa atin.
Dahil diretso siya, kung ano man ang nasa sa isip niya’t nararamdaman ay nasasabi niya. Masuwerte lang marahil ang isang Vice Ganda na nagagawa at nasasabi niya ang mga hindi natin magawa o masabi. Pareho man tayong mag-isip tulad niya, takot tayong itawid sa kausap natin kung ano talaga ang tunay nating nararamdaman at gustong iparating.
Tayo na manonood niya, malamang sa hindi mas gugustuhin na lang nating tumahimik. Pero sa isipan natin, may punto ang Bekelu (Vice) sa kanyang tinuran at sa mensahe na gusto niyang itawid.
Kung mapapansin natin, mostly ang nanonood sa show niya sa studio ng Gandang Gabi Vice ay mga above 21 years old. Click sa kanila ang mga pagpapatawa ng Unkabogale Star dahil ganu’n ding mag-isip ang audience niya, kaya pareho silang nagkakaintindihan. Pareho nilang nae-enjoy ang isa’t isa.
Matapos kong maintindihan kung bakit ganu’n ang isang Vice Ganda (kung paano siya mag-isip at magparating ng mensahe na gusto niyang isabihin sa kanyang audience), I find him entertaining mula nang matanggap ko sa sarili ko na ganu’n talaga siya, na ang ending, nae-enjoy ko ang panonood sa kanya.
Hindi man ako celebrity lalo pa’t hindi rin ako marunong magpatawa, ako na lang ang nag-a-appreciate sa mga kagagahan niya at pagiging prangka.
Pareho lang kami marahil ni Vice sa pagiging open minded, prangka, straight to the point na kung ano ang nasa isipan ko at nararamdaman, inilalabas ko. Na kung minsan, aakalain ng iba na napakataray ko, pero ang totoo ay hindi. Gusto ko lang sabihin kung ano ang nasa isipan ko, paniwalaan man ninyo o hindi, makumbinsi ko man kayo o taliwas sa paniniwala ninyo ay kebs ko. Wala akong paki.
Sa kabila ng mga papuri sa “Unkabogable Bekistar” at sa may mga mangilan-ngilan na hindi pa rin siya tanggap kung anong klase ng humor meron siya, nandu’n pa rin ang karisma niya na saksi kami na much younger market ang nakaa-appreciate sa kanya.
Mabuti na rin na ang klase ng enterainment niya na bawal ang mga menor de edad at lalo na ang mga sarado ang isipan ay may warning na rin para walang magsisimangot at maiirita dahil hindi pang-Vice Ganda market ang konsepto ng mga sarado ang isip at ipokrita. Na pakiwari ko’y tanggap na rin ni Vice na hindi siya maa-appreciate ng iba at hindi lahat ay magkagugusto sa kanya.
Sa katunayan nag-mellow na nga siya. At sa kanyang pantanghaling segment na “Advice ni Vice”, kung saan nagbibigay siya ng payo na tatak VG sa Showtime, naaaliw kami at namamangha kung papaano niya naitatawid ang kanyang mensahe na tama naman with his own brand of humor.
Smart at witty kasi ang comedian-host na sa tingin ko, no need for a well written script para maitawid niya ang kanyang kahusayan bilang isang celebrity host.
Iba pa rin si Vice. Mula sa mga salita at lengguwaheng “pabebe” at “unkabogable” at kung-anu-ano na nalikha ng kanyang creativity, nag-iisa nga lang siguro ang beki. Sa tingin ko, limitless ang husay niya. Magaling ka talaga, Vice Ganda.
Reyted K
By RK VillaCorta