Kampante na ngayon si Vice Ganda dahil siya pa rin ang reyna ng takilya sa nakaraang MMFF 2015. More than P600 million ang kinita ng pelikula niyang “Beauty And The Bestie” with Coco Martin sa direksyon ni Wenn V. Deramas. Nalagpasan nila ang kinita ng “Second Chance” ni Direk Cathy Garcia-Molina na naka-P500 million plus. Palibhasa super blockbuster ang BATB, happy ang buong cast at production staff sa ibinigay sa kanilang bonus ng Star Cinema. Lalo na sina Vice at Direk Wenn na milyones ang natanggap mula sa Star Cinema at Viva Films. Hindi pa kasama ang share nina Vice at Wenn sa movie dahil co-producer din sila sa nasabing pelikula.
Malaking challenge para kay Vice Ganda ang kasikatan ng AlDub (Maine Mendoza at Alden Richards). Ang pelikulang “My Babe Love” nina Vic Sotto at Ai Ai Delas Alas with AlDub ang naging katunggali niya sa box-office. Sa first day of showing nito, nilampaso sa takilya ang pelikula nina Vice at Coco, pangalawa lang sila. Almost one week ding nag-number 1 ang MBL sa mga sinehan. Biglang humataw sa takilya ang BATB hanggang sa huling araw ng showing nito. Sa bandang huli, sina Vice, Coco, at Direk Wenn ang tinanghal na top-grosser.
Naging sensational ang pagsikat ng Aldub, para silang Guy & Pip noong 70’s. Naging patok sa madlang pipol ang kalyeserye nila sa “Eat… Bulaga!”. Kinagiliwan, sinubaybayan, at minahal ng publiko ang loveteam nina Maine at Alden sa telebisyon. Nagkaroon sila ng hukbo ng mga tagahanga sa buong Pilipinas at maging sa ibang bansa kaya nabahala si Vice Ganda. Ang AlDub ang may pinakamaraming endorsements ngayon 2016.
Bumagsak ang rating ng “It’s Showtime“, milya- milya ang taas ng rating ng “Eat… Bulaga!”. Apektado ang buong cast at production staff ng nasabing noontime show, lalo na si Vice Ganda. Kasama sa cast ang AlDub sa movie nina Vic at Ai Ai. Nagisip ang Kapamilya Network ng bagong gimik na papatok sa masa. Ipinakilala ang baguhang si Miss Pastillas, hindi nag-click sa viewing public. Hindi rin nagtagal at niri-format ang show, naging Tawag Ng Tanghalan na ngayon.
Aminin man o hindi ni Vice, naging overconfident siya sa sarili sa success na tinatamasa niya. Pakiramdam ng box-office comedian, wala pang p’wedeng pumantay sa kanyang kasikatan. Feeling ni VG, nasa top of the world ang beauty nito kaya’t hindi niya napapansin ang malaking pagbabago sa kanyang pagkatao.
Marami ang nagsasabing lumaki na nga raw ang ulo ni Vice. Diva-divahan na raw ang drama nito sa set kahit late kung dumating with matching mga alalay at bodyguard. Mahirap nang i-approach kahit maraming fans ang gustong magpa-picture sa kanya. Nagpaka-vogue sa mga pictorial at mga events na pinupuntahan. Maging sa “Showtime”, fashionista ang mga outfit ni Vice. Feeling ng mga fans, parang mahirap na siyang abutin. Mismong malalapit na mga kaibigan niya ang nakapansin sa malaking pagbabago ng singer/comedian.
Mabuti na lang daw ay napagsabihan si Vice Ganda ng isang respetadong tao sa industry na malapit sa comedian. Tinanggap nito ang mga pangaral at pagkakamali, nangakong itutuwid ang mga maling nagawa niya. Maging sa entertainment press ay naging magiliw uli siya. Nagpa-presscon para ilapit ang sarili sa media.
Oo nga’t nawala sa sarili si Vice, pero nagising agad sa katotohanan. Tinanggap siya ng publiko dahil sa pagiging totoo niya sa sarili at pagiging mukha niyang kabayo. Kaya nga kumita ang “Petrang Kabayo”, launching movie niya sa Viva Films na dinirek ng blockbuster director Wenn V. Deramas.
May bagong movie project si Vice Ganda under Star Cinema at Viva Films. This time, mermaid ang character na ipo-portray niya na ididirek ni Wenn D. Tatapusin muna ng blockbuster director ang TV show niya sa Kapamilya Network at launching movie ni Alfonso Muhlach sa Viva Films bago niya simulan ang movie nila ni VG. Abangan…
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield