Sa totoo lang naiintindihan ko ang kinalalagyan ni Vice Ganda ngayong yumao na ang paboritong direktor niyang si Direk Wenn Deramas.
Sa mga pelikula niyang nag-hit sa takilya, ang tambalang Vice Ganda-Direk Wenn ay subok na at palaging tumatabo sa takilya tulad ng recent na “Beauty And The Bestie” na nag-numero uno sa nakaraang MMFF 2015. Sino kaya ang puwednge pumalit sa puwestong iniwanan ni Direk Wenn Deramas?
Kung nasusundan n’yo ang mga pelikula nina Vice at Direk Wenn, may kakaibang magic ang tambalan nila. May chemistry, ‘ika nga na alam mo na silang dalawa lang ang nakaaalam at nagkaiintindihan.
Sa isang panayam namin noon sa komedyante, nasabi nito na may palitan sila ng ideya ng kanyang paboritong direktor, na siya ring naka-discover sa kanya sa sing-along bar at nagkumbinsi na subukan ang showbiz.
Tulad ng sabi ni John Arcilla na ngayon ay mas kilala sa karakter niya bilang si Heneral Luna: “Siya ‘yong naging icon ng comedy.” Na kung susuriin, si Direk Wenn nga naman ang nagpasimuno ng bagong klase ng komedya sa pelikula na mas tangap ng makabagong manonood, lalo na ng mga kabataan. Reason why gusto ng mga moviegoers ang pelikula niya, dahil moderno ang treatment at hindi kakornihan na napaglipasan na ng panahon.
Sa kaso ni Vice, nabuo niya ang imahe niya bilang isang makabagong komedyante sa mga obra nila ni Direk Wenn.
Iba ang klase ng komedya ng isang Vice Ganda. Dati-rati, hindi ko masakyan ang komedya ng mga lumang komedyante, dahil nabo-bore ako or nakokornihan. Dahilan din para hindi ko panoorin ang mga pelikula nila.
Dahil gusto ko ang klase ng pagpapatawa ni Vice, maging ang Sunday na araw ng pamamahinga ko, kahit late na umere ang Gandang Gabi Vice, hihintayin ko ang paglabas at tatapusin bago matulog.
Sa pagyao ni Direk Wenn, na alam kong siya lang ang makabubuo ng isang nakatatawang pelikula with Vice Ganda, ano kaya ang magiging kaganapan sa karir ng komedyante?
I wish Vice more luck. Ang mga direktor kasi ng Star Cinema, kung hindi pang-hugot at pang-emote, wala akong alam na magaling sa komedya.
Reyted K
By RK VillaCorta