GAYA NG concert ni Sarah Geronimo na Perfect 10 last Friday night sa Araneta Coliseum para sa kanyang 10th anniversary in showbiz na super duper jampacked, sobrang puno rin, kahit hindi kasing laki ng araneta ang venue, ang special benefit show for the victims of super typhoon Yolanda ni Vice Ganda na ginanap sa Laffline Comedy Bar sa Timog Avenue sa Quezon City nu’ng gabi ring ‘yon.
Marami pa ngang madlang people ang gustong mag-enjoy at makatulong ang hindi nakapasok sa loob ng naturang comedy bar.
Maaari pa tayong manood at makatulong muli sa ikalawang gabi ng benefit show ng Phenomenal Box-Office Star ngayong gabi at 10 na gaganapin naman sa Punchline Comedy Bar sa Quezon Avenue, QC, kung saan makakasama nito ang halos lahat ng kanyang co-hosts sa It’s Showtime.
Last Friday night, nakasama ni Vice ang mga kaibigang sina Chokoleit, Pooh, Lassy, MC at Pokwang na hindi nag-charge ng kani-kanilang mga talent fee para makatulong sa mga kapwa Pilipino nating nasalanta ng bagyong Yolanda sa Kabisayaan at sa iba pang mga lugar.
Umabot ng P317 thousand ang nalikom nina Vice sa show, mula sa entrance fee at donations ng mga nanood, at sa pag-auction ng suot na damit nito that night, limited design na rubber shoes na nabili pa n’ya sa ibang bansa at accessories.
Sa stage sa harap ng napakaraming manonood hinubad isa-isa ng komedyante ang buong kasuotan n’ya hanggang sa matira na lamang ang kanyang panloob.
Bukod d’yan ay namigay pa si Vice ng Star mobile cellphone at dalawang tablet nito na mobile phone din at the same time.
Aabot pa raw ng half a million pesos ang nalikom nu’ng gabing ‘yon, dahil magdo-donate pa raw ang kanyang mga ever-generous bossing sa Star mobile na iniendorso nito.
Maging s’ya mismo ay magbibigay rin ng pera mula sa kanyang bulsa, pero hindi na nito sinabi sa amin kung magkano.
NAGSAGAWA RIN si Dr. Vicki Belo ng mala-tiangge sa labas ng kanyang clinic sa The Residences Condominium sa tapat ng Greenbelt 2 sa Makati City last saturday afternoon para makapagpadala rin ng kaukulang tulong sa lahat ng naging biktima ng super bagyong Yolanda.
Alas-tres ng hapon ang simula ng pagtitindi ng mga staff ng celebrity doctor, pero maaga pa lang daw ay dinumog na sila ng mga mamimili na nais makapamili ng mumurahing mga slightly used clothes and shoes ni Doc Belo at ng kanyang mga celebrity endorser na halos lahat ay designer brands.
Hanggang alas-siyete ng gabi ang itinagal ng naturang tiangge kung saan napapunta nang maaga si Doc Belo, dahil dinumog ito ng mga nais din na makatulong from all walks of life. Tumayo pa bilang kahera ang doctor to the stars with her partner, Doctor Bunag.
Malaking pasasalamat ni Doc Belo sa Ayala management sa pagpayag sa kanila na mag-tiangge for a good cause.
May mga mamahaling sapatos ang mommy ni Cristalle Belo Henares na ibinenta sa halagang P500 lamang, gaya ng Christian Louboutin, D&G at Christian Dior. Sobrang hands on ng doktora, dahil nasa Argentina ang kanyang unica hija sa ngayon.
Plano ring pumunta ni Doc Belo sa kanilang hometown sa Capiz na isa rin sa mga probinsyang tinamaan nang husto ng bagyong Yolanda upang personal na dalhin ang mga pagkain at mga nabili nilang magandang klase ng water purifier ni Hayden Kho.
Ipinao-auction din ni Doc Belo ang ilan sa kanyang mamahalin at sosyal na mga bag, like Louis Vuitton at iba pa, na ang karamihan ay hindi pa nito nagagamit thru her Instagram account na victoria_belo.
Pero alam namin na hindi lang sa ganitong panahon at pagkakataon tumutulong sa mga nangangailangan si Doc Belo kundi palagian. Hindi lang ito nailalathala at hindi naman kailangan pa para sa kanya.
Kudos, Doc Belo at sa lahat ng mga doktor at staff ng Belo Medical Group!
Franz 2 U
by Francis Simeon