IBA’T IBANG klaseng feedback ang natatanggap namin sa pakikipagtapatan ng Diz Iz It! sa Showtime. Kahit ano pa ang sabihin, the fact na tinapatan na ang morning show ng Dos ng kahalintulad ding format sa Siyete, na produced ng TAPE, Inc., ng grupong nagpasikat at nagpatatag sa Eat… Bulaga! Well, sa umpisa siguro ay hindi pa mararamdaman ang impact ng mas bagong show.
Nararamdaman na rin na kahit paano’y affected ang Showtime dahil sige rin sa kakapatutsada si Vice Ganda ng kung anu-anong patama roon sa kabila. Kasi nga, tinapatan na sila, at kahit paano, pupuwedeng makaapekto ito sa tindi ng ratings na tinatamasa ng Showtime. Isang bagay na magtutulak sa produksiyon nito na hindi pupuwedeng papatay-patay sila dahil may nagtatangka nang pumatay sa kanilang show.
Sa ganitong situwasyon, walang dapat maging kampante. May mga nagsasabing click si Vice Ganda dahil sa kanyang “Dahil d’yan…. may nag-text!” na mahirap nga namang basta magaya ng iba. Kaya lang, sa tatlong buwang itinatakbo ng Showtime, may tendency na pagsawaan na ang gimmick na ito ni Vice Ganda na ilang taon na ring pinagkakitaan ng komedyante sa mga gig niya sa comedy bars.
Huwag nga sanang matulad si Vice Ganda sa ibang komedyanteng sumikat pasumandali at bigla na ring nawala. Nasa diskarte niya kung paano patatagalin ang kasikatang ito at hindi puwedeng nagre-rely lang siya sa same old gimmicks, bagama’t nakabibilib naman talaga ang talas at bilis ng pick-up sa jokes nitong si Vice.
Pero, nasaan na nga ba ang mga Chokoleit at Pooh na dating pinagkakaguluhan din? Nariyan pa rin naman daw sila, pero parang nabawasan na ang mga ningning nila. Lalo na’t si Vice Ganda na ang dinidiyosa dahil sa Showtime, parang nabawasan na ang panahon ng iba para sa kung sinu-sino pang payaso sa telebisyon.
At pinag-aaksayahan din ng panahon ng ilang avid Showtime fans ang pagla-lambast sa Diz Iz It! samantalang ilang araw pa lang sa ere ang show na tinatampukan nina Bayani Agbayani, Ehra Madrigal, at Shivaker (na komedyanteng hindi naman daw nakatatawa). May na-create na ngang blog na anti-Diz iz It! sa Internet at talagang nakakaloka ang mga pintas na ikinukulapol sa bagong show, na ayon sa mga tumutuligsa ay “Basurang show… second rate trying hard copycat!”
Kaya isang bagay lang ang ibig sabihin nito: Nagke-create na naman ng ingay ang bagong nabuong rivalry sa TV, at ang nakikinabang dito, kahit negatibo pa ang sinasabi ng iba, ay ang Diz Iz It! ng GMA-7 dahil ito ang mas nangangailangan ng pansin ngayon, at okey na rin ‘yung pinag-uusapan sila kahit inookray-okray kaysa hindi talaga pinag-uusapan at parang waley lang ang pakikipagtapatan nila sa Showtime.
GUSTO NAMING SUMIKAT si Andi Eigenmann, for sentimental reasons. Mahal kasi namin ang angkang kinabibilangan nito, ang mga Gil at Eigenmann ng showbiz na talaga namang punumpuno ng karapatan at nagtatagal sa industriya dahil sa kahusayan at hindi dahil sa kung anu-ano lang ka-cheap-an o kontrobersiyang nasasangkutan nila.
Hindi lang dahil kay Mark Gil na ama niya, kaibigan namin ang ina ni Andi na si Jaclyn Jose. Hindi lang kaibigan, kung hindi mataas ang respeto namin kay Jane (palayaw ni Jaclyn) bilang alagad ng sining. Kaya personally, kahit hindi pa kami nagkakaroon ng pagkakataong mapalapit kay Andi, gusto na namin siyang sumikat, and so far, okey naman ang suportang nae-enjoy niya sa Agua-Bendita, kaya lang, pressured na agad ang baguhan.
Ito kasi ang show na ipinalit sa bonggang May Bukas Pa na nagsimula’t nagwakas na talagang consistent na top-rater ng Dos. At marami nga ang nagsasabing ang appeal ni Andi ay hindi raw pang-masa. Para ngang mestiza version lang siya ni Angel Locsin. Okey naman ang leading man niyang si Jason Abalos, pero naniniwala ang iba na mas kailangan ni Andi ng matatag na talagang leading man na matindi ang kasikatan para mahila siyang paitaas.
Napakaguwapo at nag-improve sa pagta-Tagalog ang isa pa niyang leading man na si Matteo Guidecelli, pero hindi rin daw pangmasa ang dating. Tingnan natin kung paano magwu-work ang pamamaraan ng ABS-CBN para mas lalong panoorin ang bagong teleseryeng Agua-Bendita.
Calm Ever
Archie de Calma