Lugmok ang mundo ngayon ni Vice Ganda nang mamatay dahil sa cardiac arrest ang kaibigang niyang si Direk Wenn Deramas kahapon (Lunes) ng umaga.
Nang mabalitaan ng komenyante ang nangyari kay Direk Wenn Deramas, sumugod kaagad si Vice Ganda sa Capitol Medical Center sa Quezon City para umalalay at sumaklolo.
Kung maaalala pa, si Direk Wenn ang naka-discover kay Vice, kung saan sumisikad na ang career ng komedyante sa mga sing-along bar.
Si Direk Wenn ang nagbigay kay Vice ng lakas ng loob na subukan ang pelikula with his kind of comedy na rason na ganu’n na lang kalaki ang utang loob ng komedyante sa direktor.
Sa lahat ng mga pelikula ni Vice, lagi’t laging si Direk Wenn ang kanyang direktor na rason na basta tambalang Direk Wenn at Vice sa pelikula, asahan natin na walang mintis na ang project ay certified blockbuster tulad sa mga pelikulang pinagsamahan nilang dalawa na “Unkabogable Praybeyt Benjamin”, “This Guy’s In Love With U Pare”, “Sisterakas”, “Girl Boy Bakla Tomboy”, “The Amazing Praybeyt Benjamin”, at ang pinakahuli ay ang MMFF 215 entry ng Star Cinema at Viva Films na “Beauty And The Bestie”. Sa katunayan, may pangamba si Vice ngayon sa pagkamatay ni Direk Wenn.
“Para akong nawalan ng magulang. Para akong batang paslit na naulila. Hindi ko alam. Kaya ang lungkot-lungkot ko. Hindi ko talaga alam kung paano. Siya kasi ang gumawa ng career ko,” pahayag ng komedyante sa kauna-unahang interbyu na ibinigay sa press thru TV Patrol kahapon.
Dagdag ng komedyante sa TV interview sa kanya, “Ngayon, hindi ko na alam kung paano na ako gagawa ng pelikula. Lagi ngang tinatanong sa akin noon. ‘Bakit laging si Direk Wenn?’ Kasi hindi ko naman alam kung mayroong magtitiwala sa akin, katulad nu’ng tiwala na ibinibigay sa akin ni Direk Wenn.
“Ang laki ng nawala sa akin. Hindi lang ako natanggalan ng direktor, kundi natanggalan din ako ng confidence,” pahayag ng komedyante.
Kung maaalala pa, unang nagsama sina Direk Wenn at Vice sa pelikulang “Apat Dapat, Dapat Apat”. At sa launching movie ni Vice na “Petrang Kabayo” noong 2010, si Direk Wenn ang kanyang direktor.
Reyted K
By RK VillaCorta