HINDI NA kami nagulat nang makita naming napuno ni Vice-Ganda ang Skydome sa kanyang album launching last Sunday. Hanggang labas ang pila, nagpipilit pang makapasok ang mga die-hard fans ni VG kahit siksikan na sa loob. Kung ang Smart Araneta, napupuno niya, pati ang mga sinehan sa buong Pilipinas, ito pa kayang venue sa SM North Edsa ang hindi? Puro bagets na mga bading ang walang sawang nagtitilian hawak-hawak ang album ng kanilang idol. Pati itsura at pananamit ng singer-comedian ay ginagaya ng mga fans. Ang tingin nga nila kay Vice Ganda ay Superstar.
May mga fans si Vice na nakausap namin. Super ang paghanga nila kay VG. Huwag kang magkakamaling sira-sirain ang idol nila at makakatikim ka ng mura at panlalait. Ganyan nila kamahal ang box-office superstar ng bagong henerasyon. Hawak pa rin ng singer/comedian ang title. For the first time in the history of local cinema, ngayon lang nangyari na pinipilahan, tinitilian ng madlang pipol ang pelikula ng isang baklang tulad ni Vice Ganda.
Iba kasi ang style ni Vice sa comedy, natural, hindi put-on. Hindi nagpipilit na magpatawa, hindi inaarte, kusang lumalabas ang pagiging comedian niya. Magaling talaga, kaya giliw na giliw sa kanya ang manonood. Maging sa TV show niyang GGV, super naman talagang nakakatawa. Nare-relax ka, nakakawala ng stress kapag pinanonood mo na ang show niya sa Kapamilya Network.
Kahit every Sunday nating napapanood si Vice Ganda on TV, hindi siya nakakasawang panoorin. Palaging may bagong comic scene at mga pakulo sa bawat celebrity guest na panauhin niya. Once a year lang siya gumawa ng pelikula kaya kinasasabikan siyang makita on the big scene. Nagkataon pang may chemistry sina Vice at Direk Wenn Deramas kaya’t patok sa takilya ang lahat nilang movie project.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield