PASADO ALAS-DOSE NA nang matapos ang first major concert ni Vice Ganda sa Araneta Coliseum noong Sabado ng gabi. Punong-puno ang Big Dome ng mga tao mula sa VIP at Patron seats hanggang sa General Admission! Nakatayo pa ang iba sa taas at kahit hatinggabi na at tatlong oras tumagal ang palabas, walang umuwi at walang nagtangkang umalis ng kanilang kinauupuan. Kumbaga sa bayad, sulit na sulit ang kanilang inilabas na pera sa naturang concert.
Nagmistulang isang malaking comedy bar ang Araneta dahil hindi nagpaawat si Vice sa kanyang mga witty jokes at punchlines na ibinabato mapasa-sarili, sa audience, sa kanyang mga surprise guests at sa mga politiko! Pinaghandaan at hindi tinipid ang naturang palabas dahil sa mga guests pa lang e, busog na busog na ang madlang people! Present sa show ni Vice sina Pooh, Ethel Booba, Michael Cruz, Led Sobrepena, Pops Fernandez, Jon Avila, Kean Cipriano ng Callalily, Jhong Hilario, Kim Atienza, Jaya at ang surprise guest na si John Lloyd Cruz.
Isang malaking tagumpay ito para kay Vice dahil sa pagkakaalam namin, siya palang ‘ata ang kauna-unahang bakla at stand-up comedian na nakapag-papuno ng Araneta Coliseum. Walang kyeme at walang halong showbiz, noong gabing iyon ay pinatunayan ni Vice na siya nga ay nasa tuktok ngayon ng mundo. Sabi nga niya sa kanyang spiel, “Tonight, you made me feel like I’m on top of the world. And I’m not going down. Not yet. In time.” Gusto raw muna niyang i-savor o namnamin ang saya, tagumpay at kasikatang tinatamasa niya ngayon! Sa buong buhay niya, hindi niya inakalang masasabi daw niya ang mga salitang, “Good evening, Araneta!”.
Sa aming pagkakakilala kay Vice, isa siyang perfectionist. Gusto niya maayos, pulido at maganda ang ipakikita niyang produksiyon o palabas sa kanyang audience. He doesn’t settle for anything less or second best. Kung kayang iangat, iaangat niya. Saka sa tagumpay niyang tinatamasa ngayon, ni hindi namin siya nakakitaan ng kalakihan ng ulo o kayabangan. Siguro dahil kaibigan niya kami, pero ‘eto rin kasi ang nakikita naming pakikitungo niya sa kanyang iba pang mga kaibigan. Saka hindi rin siya nakakalimot. Marunong magpasalamat si Vice Ganda, at ‘yun ang isa sa mga natatanging dahilan kung bakit ang karma ay bumabalik sa kanya! Maraming dumarating na blessings sa kanya, dahil marunong siyang magpasalamat. Hindi man siya ganoon ka-generous sa kanyang mga press friends, (ahem! Vice!) e, ramdam naman namin na mahal niya kami dahil hindi siya nakakalimot bumati at magpasalamat.
Vice, sana sa iyong pagtuntong sa tugatog ng tagumpay, sana ma-enjoy mo ito nang todo! You deserve it, ‘ika nga. And rare talents only come once in a blue moon at mukhang natapat sa iyo ang blue moon kaya naman ‘eto ka ngayon – isa ka nang ganap na household name! Congratulations sa iyo Vice at sa iyong mga producers. At pagbati na rin sa iyong manager na talaga namang malaki ang naitulong sa pag-akyat mo ngayon diyan sa iyong kinatatayuan – si Ogie Diaz. Kuya Ogs, Vice – Congratulations!
Sa sobrang hit ng show na ito, may nakarating na balita sa amin na magkakaroon daw ng repeat. Pinaghahandaan na ito ng production at mukhang mas marami pang mapapasayang mga tao si Vice dahil dito! Sana madala rin itong show na ito abroad dahil talaga namang patok na patok!