UMAMIN NAMAN SA akin ang bida ng Agua Bendita na si Andi Eigenmann na nagkaroon na siya ng non-showbiz boyfriend noon. Pero more of puppy love raw ito dahil mga bata pa nga sila at nagkaintindihan din naman sila na may mga prayoridad silang mas dapat na bigyan ng atensiyon sa panahong ito. Kaya ang ending, friends pa rin sila ng kanyang ex.
Tinanong ko nga rin si Andi kung totoo ba ang mga intrigang lumabas noon na madalas silang mag-away ng kanyang Mommy na si Jaclyn Jose?
“Ours is just like any mother-daughter relationship. Nagkaka-inisan. Some people may think na it’s a bad thing. Pero kapag napanood n’yo kung paano kami mag-away ni Mommy, matatawa kayo. Kasi, ‘yan ang reaksiyon ng mga nasa paligid namin. Panay lang kasi kami kalokahan. Para lang kasi kaming mag-kabarkada, pero hindi ako lumalampas sa boundaries na siya pa rin ang Mom ko. Kaya malabo ‘yung masabihan ako na sumasagot ako o binabastos ko my Mom. Hindi po!”
Tatlong pelikula pala ang nakatakdang gawin ni Andi sa Regal Films na siya nitong pinirmahan. Isang comedy with Eugene Domingo na may working title na Mother Dearest, ang remake ng Temptation Island at kasali siya sa next na Shake, Rattle and Roll.
Kaya nga sobrang happy ngayon ang bagong idolo ng kabataan sa papel na ginagampanan niya sa teleserye sa ABS-CBN, kaya naman hindi rin sumasagi sa isip niya ang ma-in love na agad-agad, kahit na marami ang gustong manligaw sa dalaga, who will turn 19 in June 25.
MEDYO NAHULAAN KO kung ano ang death-defying act na gustong gawin ni Vice Ganda sa nalalapit niyang first major concert sa Araneta Coliseum on May 15, sa May Nag-Text… ‘Yung Totoo! Vice Ganda sa Araneta.
Marami na tayong napanood sa mga naging concerts at special shows sa Big Dome, kung saan ilang beses na ginamit ang harness para lumipad sa ere. Pero sa palabas ni Vice Ganda, more than paglipad ang gusto nitong gawin. Kaya nga niya nasabing death-defying ang ita-try niyang ipamalas sa mga manonood para lang masiyahan ang mga ito at maging sulit ang ibabayad nila sa kanilang panonoorin.
Actually, pareho kami ng wavelength ni Vice Ganda, na maganda talagang panoorin sa mga ganoong klase ng venue na nakatingala ang mga tao sa pinapanood nila, at ang Cirque Du Soleil na isa sa main attraction sa Las Vegas ang nakini-kinita naming pipiliting gawin ni Vice Ganda sa kanyang concert.
In short, acrobatic stint ito. Pero kung paano nilang gagawing katawa-tawa ito ni Direk GB Sampedro, hindi namin mahulaan o makapa kung paano nilang ie-execute.
Ready si Vice Ganda na ibuwis ang buhay niya for the said concert na maghuhudyat sa pagbabalik ng tandem nina Joed Serrano at Robby Tarroza sa pagpo-produce sa bansa?
“Hindi ko naman po sinabing sukdulang ikamatay ko eh, gagawin ko ang isang bagay. Medyo delikado lang. Pero type ko, eh. Kaya pipiliting ma-achieve. Hindi naman ‘ata magandang pumatok nga ang concert ko, eh tigok naman ako. Ang gusto ko lang na maabot eh, ‘yung uuwing masaya at may napanood na maganda ang mga tumangkilik sa concert ko.”
Ayaw namang lagyan ng intriga ni Vice Ganda ang pag-atras ng nauna nang sumagot para makasama sa mga special guests niya sa show na si Chokoleit. Dahil wala naman daw isyu sa pagitan nila. Ang nakarating lang daw kay Vice Ganda, may ibang schedule ito. Na sana raw eh, nagawa rin niyang tawagan pero dahil nga sa busy rin siya eh, naiwaglit na niya sa isipan.
Dahil sasalang na rin sa first shooting day ng Petrang Kabayo si Vice Ganda, tinanong nga ito kung hindi ba siya worried na lucky nga siya sa career eh, bokya naman sa love life?
“Mas pipiliin ko pa rin ang trabaho. Sa trabaho, magkakapera. Sa relasyon mawawalan ako ng pera. Kung may Papa ako, sa kanya mauuwi ang kita ko. Kaya ang lovelife, p’wedeng nand’yan na lang muna siya sa tabi.”
Alam mo na…
The Pillar
by Pilar Mateo