BOX-OFFICE KING ng bagong henerasyon si Vice Ganda dahil pinatunayan niya ito sa mga top-grosser niya mga pelikula under Star Cinema at Viva Films. Always number one sa Metro Manila Film Festival, breaking all the records, first time in the history of local cinema, kumita ng almost P500 million ang Praybeyt Benjamin 2. If ever, dumating ‘yung point na mawala ‘yung ningning ng kanyang mga bituin, ready na kaya ang bagong comedy king na tanggapin ito?
“Gising ako, alam mo naman lahat, nagdaan sa ganyan. Lahat naman nagdaan sa maliwanag na maliwanag, unti-unti lumalabo ang ilaw, ‘yung ganu’n .Gising ako, hindi ko masasabing handa na ako, alam kong mangyayari ‘yun. Pero with the great guidance around me, hindi ako natatakot lalo na siya (Direk Wenn Deramas). Hindi niya ako pababayaan,” say ni VG.
Inamin ni Vice Ganda na kung minsan may pag-aalinlangan siya sa project na inaalok sa kanya ni Direk Wenn. “Dati nga pinagdududahan ko si Direk Wenn. Sabi ko kay Direk, hindi ako natatawa riyan. Sabi niya, ibigay mo sa akin ito, pagbibigyan ko siya. ‘Pag pinanood ko na sa sinehan, oo nga, keri naman pala. Kaya ‘yung trust ko sa kanya, ganu’n na lang. Sinasabi naman niya sa akin kapag may eksena kami, ikaw na ang bahala, keri mo ‘yan. May mga pagkakataon sasabihin niya, akin ito, ibigay mo sa akin,” kuwento ng magaling na comedian.
Bawat movie project na gagawin ni Vice, pinag-aaralan niya itong mabuti. “Pinag-uusapan namin, may mga project na ayaw ko, tulad ng ‘Girl, Boy, Bakla, Tomboy’, ayaw ko ‘yang gawin. Sabi ko, ano ba ‘yan? Baduy na baduy ako sa title. Sabi ko, ang hirap n’yan. Pinilit nila akong dalawa ni Sir Deo na gawin ito. Sabi nila, kailangang gawin mo ‘to, naniwala naman ako. Buti na lang, hindi ako napahiya, tama nga. Ang daming instances na sinasabi ko sa sarili ko, buti sinunod ko. Mareklamo ako, ayaw ko ‘yan, may ganu’n ako. Pero kapag sinabi niya, ibigay mo, ibibigay ko,” sabi pa ni VG.
Nagpakatotoo si Vice nang mga sandaling ‘yun. Natatakot siyang bumalik sa hirap kaya ganu’n na lang ang pagmamahal niya sa kanyang propesyon as a singer-comedian. “Ang ikinatatakot ko ang bumalik sa hirap. Kunwari, star ka ngayon, darating ‘yung araw ‘yung star ay lumalabo, ang ilaw lumalabo. Pero hindi ako mawawala, magme-mentor na ako, ‘di ba? ‘Yung mga na-achieve ko, natutuhan ko, i-share ko na sa iba. Kasi hindi natatapos ‘yun. ‘Yung abilidad ko, i-share ko na sa iba para hindi ako mawala. Ang ikinatatakot ko, ‘yung bumalik sa hirap. Ayaw ko nang talaga. Hinding-hindi na mangyayari ‘yun, kaya ganito na lang ang pagod ko. Lahat ng ano, tinututukan ko. Trabaho ko talaga hands on ako. Ayaw kong bara-bara lang, putsi-putsi lang, kasi ang ano ko, palagi, hindi na ako babalik sa hirap. Ang hirap-hirap maging mahirap lalo na kapag bakla ka, ang hirap-hirap,” makabuluhang turan ng box-office king.
‘Yung pagiging magaling na comedian, witty, smart, at intelligent, saan niya ito hinuhugot? “Kapag wala nang bago sa akin, baka mapabilis ‘yung liwanag na nasa akin, ‘di ba? Baka sa iba mai-focus ang camera. Ayaw kong mangyari ‘yun, kasi nga ayaw kong maghirap. Gusto kong makaipon pa nang makaipon. Siguruhin ko ‘yung mga pamangkin kong maliliit, matulungan ko. Mamamatay akong masagana at masaya, hindi kawawa. Pati ‘yung mga maiiwanan ko…”
The other side of Vice Ganda? “Mainitin ang ulo ko lalo na sa trabaho. ‘Pag work, work. Nakakalimutan kong magkaibigan tayo. Kapag pumasok tayo sa trabaho, hindi muna tayo magkakaibigan, magkakatrabaho tayo. Achieve kung achieve. Kapag hindi ko na-achieve, nag-iinit ang ulo ko at aware ako du’n. I’m learning from that, to build in a positive way na hindi siya magiging destructive sa akin. Pero ngayon hindi, alam na alam ng mga taong nakapaligid sa akin kung paano ako ito-tone down. Kung papaano namin sama-samang ibi-build ‘yung issue na ‘yun,” kuwento ni Vice.
Kapag depress si Vice, iniiyak na lang niya ito. “Ayaw kong nagdadamdam. Ayaw kong nag-iipon. Kapag malungkot, malungkot. Ako ‘yung nagdi-deny na kailangan kong maging masaya, ‘di ba? Sinasabi ko nga sa audience ko, may pinagdaraanan ako. Pero patatawanin kita because my eyes will not tell a lie, alam nila ‘yun.”
Paano ma-inlove ang isang Vice-Ganda? “Ay naku, baliw. Super baliw, Sa lahat ng ibig sabihin ng baliw. Baliw talaga ako, buti na lang ang dami kong mabubuting kaibigan. Kasi kapag baliw ka tapos baliw pa rin ang mga kaibigan mo, kawawa ka. Buti na lang matitino ang mga kaibigan ko. “
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield