HABANG PAPALAPIT na ang Metro Manila Film Festival this December 2013, ngarag ang bawat artista’t director sa pagtatapos ng kani-kanilang pelikulang kalahok sa nasabing festival. Kinarir ni Vice-Ganda ang apat na character na ginagampanan niya sa pelikulang Girl, Boy, Bakla, Tomboy. Super research ito sa character niya bilang lesbian. Ini-interview ni Vice at kumukuha ng pointers sa kanyang mga friends na tomboy.
Gusto ni Vice ang pagigig tomboy ni Aiza Seguerra. Simple pero may dating sa babae lalo na kapag nag-perform na ito on stage. Lalaki kung pumorma pati pananamit kaya keri nito ang pagiging lenggua. Nakai-in love daw ang mga love song na inaawit ng singer/composer. Watch din ng lesbian films ang magaling na singer/comedian.
Para ngang baliw si Vice na haharap sa salamin. Mag-i-emote mag-isa, kakausapin ang sarili kung epek nga ba ang charater na ipo-portray niya bilang tomboy.
“Sobra akong nahirapan sa character kong tomboy. Pero nandito ang challenge kung magagawa ko nga siya nang tama. Kung pumayag nga si Direk Wenn (Deramas), gusto kong magpataba, may tiyan nang kaunti para ‘yung look ko on screen tomboy na tomboy ang dating. Pati nga ‘yung character na lalaki ako. Sabi ko kay Direk, ihuli nang kunan ‘yun. Kukuha ako ng gym instructor, maggi-gym ako para magka-muscle. Astig pa rin ang dating ko, nag-work-out pa rin ako. Kahit hindi nangyari ‘yun, gusto kong mangyari, ma-surprise kayo sa kinalabasan. Nakaloloka ang bawat eksena, matindi itong GBBT. Patapos na kami, naghahabol kami sa deadline for MMFF. At saka, alam naman ninyo ang nangyari sa lola natin, bawal mag-puyat,” kuwento ni Vice-Ganda.
Sa set nga, palaging may kasamang private nurse si Direk Wenn na nakatutok sa kanya 24 hours. Taga -kuha ng BP (blood pressure), taga-painom ng gamot, etc. Hindi lang sa shooting maging sa taping ng fantaseryeng Galema ni Andi Eigenmann kasasama ng box-office director ang kanyang private male nurse. Sinisiguro lang na magiging maayos ang kundisyon ng award-winning director habang ito’y nagtratrabaho.
NAKADALAWANG SERIOUS relationship si Markki Stroem sa Switzerland bago ito nag-showbiz. Actually, nakalimang girlfriend na ito noong nasa high school at college siya. If ever, magka-girlfriend ito ngayon, non-showbiz ang gusto niyang maging dyowa. Right now, may dini-date ang binata, hindi taga-showbiz.
“May mutual understanding na kami, pero hindi pa ganu’n ka-serious. Ini-enjoy lang namin whatever relationship that we have,” sabi ng hunk actor.
Kahit may type na artista babae si Markki, hanggang tingin na lang siya. Ayaw nitong maintriga kung kapwa niya artista ang makarerelasyon.
“Ayaw kong mangyari ‘yung nangyayari sa mga kapwa ko artista na pareho silang nasa showbiz. ‘Pag naghiwalay, nagiging sentro sila ng intriga. Pinag-uusapan ‘yung relationship nila. ‘Yun ang ayaw kong mangyari sa akin. Gusto kong may privacy ang personal life ko. Hindi ‘yung open ang relationship ninyo sa publiko,” say ng young actor.
Gusto ni Markki sa babae ‘yung maiintindihan ang propesyon niya as an actor/businessman. Kahit limited lang ang time nila together, nandu’n ang trust nila sa isa’t isa. “‘Yun bang we support each other in anything we do. Hindi kailangang palagi kayong magkasama sa mga lakaran, ‘yun,” dugtong pa niya.
Napag-usapan din namin ni Markki ang gay role na ginagampanan niya sa indie film na Slumber Party. Very effective ang kanyang performance kaya’t maraming pumuri. May sex experience na kaya si Markki sa gay?
“Wala,” diretsong sagot ng binata. Never raw pumasok sa isip niya na pumatol sa beki. “Don’t get me wrong. Marami akong friends na gays pero friends lang talaga ang turing ko sa kanila. Masaya silang kasama at kausap. Marami kang matututunan sa kanila. Nakaa-amuse nga sila sa pagiging creative. Nakabibilib ang talent nila. Kahit saan mo sila ilagay, lumulutang ang galing nila as artists and I admire them,” sambit pa nito.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield