HABANG papalapit na ang Kapaskuhan at pagdiriwang ng papasok na taon, mayroong dalawang pangyayari na ikinalulungkot ni Bulacan Vice Governor Daniel Fernando. Una ay ang nakakarating sa kanyang lungkot ng mga taga-showbiz dahil sa mga kaganapan ngayon, na marami ang kumokontra sa mga pelikulang nakapasok sa gaganaping Metro Manila Film Festival, kung saan nga hindi nakapasok ang mga malalaking pelikula, bagkus ay puro indie films ang mga nakapasok. Hindi man siya busy ngayon sa paggawa ng pelikula, hindi niya maiwasang malungkot sa mga nangyayari.
Pangalawa, nagsisimpatiya siya sa kanyang mga kababayan sa Bulacan, dahil may mga panukala na tuluyan na raw ipasara ang mga naglipanang tindahan at pagawaan ng paputok sa kanilang probinsiya. Kahit sabihing hindi lang naman sa nasabing probinsiya mayroong pagawaan ng paputok sa buong Pilipinas, hindi nagpapakaipokrito si VG Daniel na malaki ang magiging epekto noon sa kanyang kababayan.
“Kabuhayan siyempre iyan ng maraming tao. Kaya sa ngayon, inilalakad din naman naming huwag namang basta maging ganu’n kaagad ang mangyari. Tinitingnan din namin kung ano pa ang puwedeng solusyon na magawa. Halimwa, kung paano maging mas ligtas ang istilo ng mga paputok. Sana lang ay may solusyon pa, dahil bukod sa kabuhayan iyan ng maraming tao, ay hindi pa ako ipinaglilihi ng nanay ko ay mayroon na talagang paputok sa Pilipinas, na bahagi na ng mga selebrasyon ng pagsasaya ‘tulad ng Pasko at Bagong Taon,” wika ng magaling na actor at ngayo’y pulitiko na.
“‘Yang tungkol sa nangyayari ngayon sa movie industry, na parang hindi pa rin talaga magkasundo, na pati pagpapahalaga at paggawa ng pelikula ay nagkakaroon ng gusot, nu’ng nabubuhay pa si FPJ (Fernando Poe, Jr.) at magkasama kami sa pelikula, sa mga pagkukuwento niya ay sinabi niya sa amin, na darating ang araw, magkakaroon talaga ng maraming problemang ganyan sa movie industry, pati na nga ‘yung pagkawala ng maaaksiyong pelikula at nangyari nga. Nakalulungkot,” banggit pa ni VG Daniel.
ChorBA!
by Melchor Bautista