MARAMI ANG pinagpilian ng producer ng Philippians Production Inc. na si Ms. Rina Navarro sa mga pangalan ng mga lalaking artista na gaganap na isa sa GOMBURZA bilang Padre Burgos at ang kanilang napusuan ay si Manila Vice Mayor Isko Moreno. Hindi naman nagdalawang-salita ang produksyon nang i-offer nila ang role kay Isko na agad namang tinanggap ang nasabing papel.
Nagsagawa naman ng research ang staff ng butihing bise-alkalde sa buhay ni Padre Burgos para mapag-aralan niyang mabuti ang role dahil gusto nitong mabigyan ng hustisya ang papel na kanyang gagampanan.
“Nakakatuwa nga dahil malaki ang pagkakahawig ko kay Padre Burgos, siguro nga para sa akin ang role na ito. Isang malaking karangalan ang gampanan ang buhay ng isang martir na katulad ni Padre Burgos dahil isa siya sa umukit ng kasaysayan ng ating bansa,” masayang kuwento Vice Isko.
Ngayong araw na ito (Miyerkules, Oct .22), kukunan ang natitirang eksena ni Isko na kahit marami siyang gawain ay naisingit pa niya ang kanyang eskedyul.
Dahil alam niya na isang makabuluhang pelikula itong Bonifacio na pinagbibidahan ni Robin Padilla at dapat panoorin ng ating kababayan partikular na ang ating kabataang mag-aaral para mamulat sila sa ating kasaysayan.
Samantala, habang sinusulat namin ito, kinukunan ang isang malaking eksena na kung saan mahigit na 350 extras ang involved sa eksena na magsisilbing epilogue, bukod pa sa malalaking artistang kasama sa nasabing eksena. Kaya nga masasabi nating madugo ang kanilang kukunan na tiyak na bubusisiin ni Direk Enzo Williams ang kaliit-liitang detalye, partikular na ang camera shots.
HAHAHA! ANG buhay nga naman. Isipin mo, para lang mapag-usapan ay wala silang pakialam kesehodang makatapak o makapanggamit sila ng kapwa basta lang sila magpag-usapan. Napaka-trying hard ang gimik na ito ng all girl group na Bed Mates ni Lito de Guzman.
Ang kanilang napiling intrigahin at pagkumparahan ay ang grupong Mocha Girls. Sus naman, isang naghuhumiyaw na “Bakit?!” Unang-una, ano na ba ang napatunayan nitong Bed Mates? Walang-wala at ni hindi ko nga kilala ang nasabing grupo. Nakailang album na ba ang nasabing grupong ito ni Lito de Guzman para ikumpara nila ang kanilang sarili sa Mocha Girls.
Bukod pa riyan, saan-saan na ba sila nakapag-perform locally at abroad? At kung meron man, nakapupuno ba sila ng venue at pinanabikang mapanood? Kaya nga ang maipapayo ko kung sino man ang nakaisip ng gimik na ito ay maghunos-dili dahil napa-cheap ng style na ito. Ang mabuting gawin na lang nila, ang mag-ensayo silang mabuti para sila makilala at sumikat. Hindi iyong manggagamit para lang mapag-usapan gayong no comparisson kung tutuusin. Esep-esep muna ‘pag may time.
Ni Raymund Vargas