TAWA KAMI NANG tawa sa mga kuwento ng aming mga kaibigan. Isang gabi kasi ay nakasabay nilang kumain sa isang kilalang restaurant ang isang kilalang magkarelasyon.
Habang kumakain sila ay umaagaw ang kanilang atensiyon ang paglalambingan ng magkapareha, may mga pagkakataong nagsusubuan sila, nandu’n ang pagtatangka ng paghahalikan sana pero naiisip din siguro nila na maraming tao sa paligid kaya hindi nila ‘yun itinutuloy.
Ang isang manang-manang sa grupo ay inis na inis na, katwiran nito, sa kabila ng pagsulong ng teknolohiya at pagiging liberal ng maraming kabataan ay buhay na buhay pa rin ang sagradong kultura ng mga Pilipino tungkol sa usapin ng pakikipagrelasyon.
Ang sabi nito, “Kung ganyan na sila in public, paano pa kung silang dalawa na lang ang magkasama?”
Pero sige-sige pa rin sa paglalantad ng kanilang paglalambingan ang dalawa, para silang mga teenager sa ramdam na ramdam sa paligid na pagkakilig nila, ayon sa aming mga kaibigan ay may ilang nakakakita sa dalawa ng nagtataas ng kilay at parang naaalibadbaran sa kanilang mga ginagawa.
Ang tinutukoy nilang magkarelasyon ay hindi mga artista, pero parang mga artista na rin ang dating, dahil sa pinagpipistahan nilang relasyon na napakakontrobersiyal.
Hindi magka-loveteam sa pelikula ang dalawa, hindi na rin sila mga bagets, kaya siguro parang naaasiwa ang mga kumakain sa naturang restaurant kung bakit sila ganu’n kumilos at maglambingan.
Ang tinutukoy na pareha ng aming mga kaibigan ay sina Dr. Hayden Kho at Dra. Vicki Belo.
Sundot pa ng aming kausap, “Sana, magpa-set na lang sila ng dinner table sa isang lugar na silang dalawa lang ang nandu’n. Puwedeng sa bahay o sa opisina na lang ni Dra. Belo.
“Nakakaasiwa kasi silang tingnan, parang kailan lang, e, nag-aaway pa sila kunwari, nagrereklamo pa si Dra. Belo na pati ang private video nila, e, inilabas din ni Dr. Hayden, ‘yun pala, kalokohan lang naman ‘yun!” naiinis na sabi ng aming source.
HANDANG-HANDA NA ang Zirkoh Comedy Bar sa Tomas Morato. Magkasosyo sa bagong Zirkoh sina Allan K at Lito Alejandria, sila lang at wala si Ai-Ai delas Alas tulad sa iba pa nilang bar, ang kinatatayuan nito ay ang dating Whistle Stop na paboritong tambayan ng mga artista.
Kailangang magtrabaho nang double time ang kanilang mga tauhan, bibinyagan ni Piolo Pascual ang venue sa darating na Sabado, September 26, sa kanyang solo concert.
Aminado ang Backstagepass Productions na mahirap makasingit sa napakahigpit na schedule ng guwapong aktor, kasagsagan ng taping nila ngayon ni KC Concepcion para sa Lovers In Paris, pero maraming salamat kina Direk Johnny Manahan at Ms. Mariole Alberto ng Star Magic sa mabilis na pagtugon.
Basta si Piolo Pascual ang bida sa concert ay walang kahirap-hirap ang bentahan ng tickets, nakatutuwa rin na hindi lang dalawahan ang pagbili ng ticket ng kanyang mga tagahanga, kundi grupuhan.
Ito na nga naman kasi ang pagkakataon para mapanood nila nang malapitan si Piolo, ‘yung parang abot na abot lang nila, bibihira lang mangyari ang ganito.
Sa nakaraang concert ni Piolo na ang Backstagepass Productions din ang nagprodyus ay halos wala nang lugar para pumalakpak ang kanyang mga tagahanga dahil sa pagsisiksikan, kaya sa halip na pumalakpak, puro tili na lang ang maririnig mo sa paligid.
Bago umakyat sa entablado si Piolo Pascual kasama ang 7th Soul Band ay makikipag-jamming muna sina Janelle Jamer at Janna Dominguez, marami namang humuhula na darating si KC Concepcion, sigurado raw na susuportahan ng magandang dalaga ang show ng kanyang kapareha sa Lover In Paris.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin