MAHIGIT DALAWANG linggo na ang nakararaan, binaril sa ulo ang real estate broker na si Josephine Sarmiento sa loob ng Pancake House sa BF Homes, Parañaque habang kumakain kasama ang isang kakilala. Dead on the spot ang biktima.
Ayon sa mga testigo na nakausap ng mga pulis-Parañaque pagkatapos ng insidente, dalawang lalaking suspek ang sangkot sa pamamaril. Isa sa dalawa ang malapitang bumaril kay Sarmiento habang ang isa naman ay nagsilbing lookout. Pagkatapos ng pamamaril, tumakas ang mga salarin sakay ng isang motorsiklo.
May kinalaman daw sa kanyang trabaho ang pagkapaslang kay Sarmiento ang lumilitaw na teorya ng PNP sa kanilang ginagawang imbestigasyon. Away sa lupa ang isang tinitingnang anggulo ng mga police investigator.
Pero ayon sa isang mapagkatitiwalaang source, si Sarmiento ay biktima ng mistaken identity. Sa mga kakilala at katrabaho ni Sarmiento, siya’y ehemplo ng isang mabait at palakaibigang tao na walang kagalit. Isa siyang patas na katransaksyon at tapat sa kanyang tungkulin, dagdag pa ng source.
ANG TARGET daw talaga ng mga salarin ay isang babaeng kamag-anak ni Josephine Sarmiento. Pinagkamalan umano ng mga suspek si Josephine na kanilang target.
Ang nasabing kamag-anak ay notorious daw sa Bureau of Customs (BoC). Ang kamag-anak daw na ito ay nagsisilbing fixer at broker na rin sa loob ng bureau. Ginagamit din daw ito bilang kolektor ng mga tara ng ilang opisyal ng BoC sa mahabang panahon na.
Madalas daw gamitin nito ang kanyang mga koneksyon sa ilang miyembro ng Office of the Commissioner. Pero hindi raw sa lahat ng pagkakataon naidi-deliver niya ang kanyang mga naipangako sa mga importer na pagpa-facilitate ng kanilang mga naiipit na kargamento bagama’t siya ay nabayaran na.
May ilang mga pagkakataon pa nga raw na nag-double cross umano ito noon ng ilan niyang kliyente. Ang double cross sa bokabularyo ng mga importer sa BoC ay ang pagtanggap ng bayad sa isang kliyente ng isang “facilitator” at pagkatapos ay sadyang ipapa-alert ng nasabing “facilitator” ang mga kargamento ng kanyang kliyente.
Pagkatapos ng alert, imumungkahi ng nasabing “facilitator” sa kanyang kliyente na magbigay ng pang-areglo sa mga kawani ng bureau para ma-release ang mga naipit na kargamento. Dito siya titiba-tiba – makikiporsiyento siya sa malaking perang ibinigay ng kliyente para sa pang-areglo.
Ang kamag-anak na ito ni Josephine ay labas-masok u-mano sa Office of the Commissioner na maaaring hindi alam ni Commissioner Ruffy Biazon.
BAKIT PATULOY pa ring pinapayagan ng BoC ang pamamayagpag ng bonded warehouse ng mga resins?
Ang mga importer ng resins na nabigyan ng bonded warehouse ay hindi nagbabayad ng buwis kahit na singko dahil sa agreement na ang raw materials ng mga resins na ini-import nila ay kanilang ima-manufacture at ang mga finish product nito ay ie-export kung saan makababawi ang ating pamahalaan.
Noong nakaraang administrasyon ni Gloria Macapagal-Arroyo (GMA), ipinatigil ang bonded warehouse dahil ito ay naaabuso at nagagamit sa talamak na smuggling. Ang malaking tanong, bakit sa panahon ngayon ni Pangulong Benigno “Matuwid na Daan” Aquino, pinayagan muli ang pamamayagpag ng mga bonded warehouse?
Nasaan na ang pangako ni Senator Chiz Escudero na kanyang paiimbestigahan ang mga bonded warehouse ng resins matapos pumutok ang balita na ginagamit umano ang kanyang pangalan ng mga ito bilang kanilang padrino?
Isa sa mga bagong nangako na paiimbestigahan din ang mga bonded warehouse ng resins sa Senado ay si Senator Bong Revilla, kilalang kaalyado ni GMA.
Bakit hindi rin magsalita si Congresswoman GMA tungkol sa isyung ito?
Shooting Range
Raffy Tulfo