NAKATSIKAHAN NAMIN si Divine Lee, ang construction heiress at co-host ng Extreme Makeover Home Edition-Philippines ng TV5, sa isang event sa Makati last Tuesday at game na game naman itong sumagot sa mga tanong namin. Una naming nilinaw sa kanya ang tungkol sa pagli-live in na raw nila ng boyfriend na si Victor Basa.
Ani Divine, nagli-live in na raw sila, pero parang sleepover lang daw ang tamang term doon. Minsan natutulog si Victor sa kanila and vice versa.
So, ibig sabihin ba nito ay kasalan na ang susunod? “Wala pa sa plano,” ang tinuran niya sa amin, dahil ini-enjoy pa raw nila ang kanilang lovelife. Go girl!
KAMAKAILAN LANG, muli na-ming nakakuwentuhan si Janice de Belen at inamin niyang sobra siyang nalungkot sa pagtatapos ng teleseryeng Budoy, kung saan ito ang naging behikulo niya sa muling pagbabalik-Kapamilya.
Panimula niya, “Totoo ‘yung sinasabi natin na siguro na mas malungkot ‘yung pagtatapos ng Budoy because we actually became a family.
“You know, siguro hindi maiiwasan na kapag nagtatrabaho ka 3 times a week, may mga days na ‘di maiiwasang pagod ka, or minsan may dinamdam ka tapos kukumustahin ka, you get to talk about it, nagkukuwentuhan kayo tungkol sa buhay, you get to talk important things, so magkakaroon talaga kayo ng special bond.
“Kaya ngayong magtatapos na, pinipilit ko ngang huwag masyado malungkot. But, I definitely miss everybody, ha? As in everybody, ha? Talagang lahat naman kami nagkakasundo.”
Inamin pa niya sa amin, na kahit ‘yung mga baguhan at mga artistang ngayon lang niya nakakatrabaho ay sobrang naging maganda ang kanilang samahan. Katunayan, ang mga younger stars katulad nina Jessy Mendiola, Enrique Gil at Gerald Anderson ay naging mga anak-anakan daw niya on and off camera.
Ano naman kaya ang natutunan niya sa serye? “Positivity. Kasi ‘yung Budoy character, si Budoy mismo, positive siya eh, inspite of his condition, he is very positive sa buhay,” ani Janice. “Be happy be Budoy nga ‘di ba, so pati ikaw parang nadadala ka nu’ng pagiging positive niya sa buhay.”
After Budoy, magiging busy naman daw si Janice sa dalawang pelikulang nakapila niyang gawin. Una na nga rito ang The Healing kasama sina Governor Vilma Santos at Kim Chiu. Hindi pa raw siya nakapag-fullblast sa shooting ng movie dahil nga may tatlong proyektong sabay sabay niyang ginagawa, ang Budoy, ang cooking talkshow niyang Spoon at ang showbiz talkshow niyang S.I.R. (Showbiz Inside Report).
Patuloy pa niya, “Nakaeksena ko na si Ate Vi ng ilang beses, pero si Kim hindi pa. Ngayong patapos na ang Budoy, magpu-fullblast na kami. Oh my god! Si Ate Vi, nakakatawa siya, she is so funny! ‘Yung dressing room ko nga, hindi ko na halos mapag-stay-an, lagi niya akong niyayaya sa dressing room niya. An’dami naming kuwentuhan, ang saya-saya lang.”
Nakatakda naman niyang gawin ang isang indie film para sa Cinemalaya directed by Joey Reyes. Matatandaang kasali rin si Janice sa Zombadings last year, isang entry rin sa Cinemalaya. Kahit daw sobrang busy siya ay hindi niya kayang tanggihan si Direk Joey. Aniya, “Mahirap tanggihan si Joey R, mahirap ‘yung sched ko, pero si Joey R ‘yan, eh.”
Kahit maglalagare si Janice sa isang indie movie at isang mainstream film, wala raw siyang nakikitang pagkakaiba sa konsepto ng indie at mainstream cinema.
After daw nito, may isa na namang seryeng gagawin si Janice sa ABS-CBN. “Hindi pa clear sa akin kung ano ‘yung gagawin ko. Basta meron na raw naka-line up.”
Bago naming pinakawalan sa interview si Janice, inusisa rin namin siya kung ano ang alam niya sa pagitan nina Sarah Geronimo at ng kanyang anak-anakang si Gerald.
Tumatawa lang si Janice at ayaw raw niyang magkomento, ang tangi lang niyang sinabi sa amin ay, “Alam mo, wala akong alam. Kahit may alam ako, wala akong alam. Wala akong ikukuwento, kasi out of respect, because he is my friend, it is not my place to talk. Si Gerald, sobrang masaya naman siya, he’s happy.”
Sure na ‘to
By Arniel Serato