NAKS MAN ANG trailer ng indie film na Romeo at Juliet na pinagbibidahan ni Alessandra de Rossi with Victor Basa for Kisapmata Productions. Hindi naman na-dampen ang spirits ng mga tao sa likod nito nang ipalabas noong Lunes ng gabi sa SM-Megamall ang pelikula, dahil wala namang malaswang eksenang sinalangan ang aktres. Ni hindi nga raw nakikipaghalikan sa pelikula. Kasi nga, balang-araw, eh, ayaw raw niyang tanungin siya ng mga magiging anak niya kung sinu-sino ba ‘yung mga kahalikan n’yang ‘yun!
Likod nga lang daw ang ipinakita ni Alex, na-X pa, ano pa raw kaya kung may iba pa siyang ipinamalas? But in fairness, binigyan ito ng R-13 with parental guidance na rating. Dahil ang tema nga eh, may kaselanan, gaya nga ng sinabi ng sumulat na si Jean Altavas, na umaming base sa naging karanasan niya as a molested child ang istorya nito.
Naka-tsika namin saglit si Alex bago magsimula ang showing ng pelikula at inusisa namin agad kung may katotohanan ba ang hindi natitigil na tsismax na diumano’y lilipat na siya sa TV5.
“Paano ako lilipat eh, hindi naman ako nakakontrata sa kahit na anong TV station? Sa simula’t mula, never akong pumirma ng kontrata kaya p’wede akong lumabas kahit na saan. Pero wala pa namang sinasabi sa akin ang manager na may offer or something. Kaya, paano ako lilipat? Kung may magandang offer eh, ‘di bongga! Trabaho pa rin ‘yun, ‘no!”
Very proud naman ang Mommy Nenet ni Alex, pati na ni Sam (Assunta) na nasa bansa para dalawin ang kanyang mga anak. Nakakatuwa ang tatlong ito kapag nagpapalitan na sila ng mga tsikahan nila sa Twitter. Walang ginawa ang magkapatid kundi makipag-okrayan sa ermats nila!
NAKAUSAP DIN NAMIN ang leading man niyang si Victor Basa. Ang inusisa ko naman dito eh, kung sila pa rin ba ni Saab Magalona ang constant date. Dahil there was a time na nakita namin silang magkasama.
Pero dahil daw pareho silang busy, hindi na sila nagkikita o nagkakausap.
So, hindi pala niya niligawan ito o naging girl friend? O, break na ba sila?
“Ito lang ang masasabi ko – paano mong tatapusin ang hindi mo naman sinimulan?”
So, waley! Bakit parang sounding so bitter?
SA PAGKAKAROON NIYA ng panibagong business na water station-laundry shop, nilinaw ni Valerie Concepcion na hindi ‘yun iniregalo sa kanya ng kung sino’ng benefactor na itsini-tsimis sa kanya. Dahil endorser nga raw siya ng nasabing produkto, parte ng ibinayad sa kanya eh, ‘yung bigyan nga siya ng magiging business niya na rin. Ikalawa na nga raw itong business na binuksan niya. Ang una ay ang Posh Nails sa The Fort.
“Medyo ngayon pa nga lang nagpi-pick-up ‘yung business namin sa The Fort. Kasi, ipinagawa pa namin at saka alam naman nating high-end ‘yung pwesto du’n. And ito namang bagong bukas, si Daddy naman ang magma-manage nito.”
Isa rin sa mga nababalitang lilipat ng istasyon itong si Valerie. Wala rin daw katotohanan ‘yun. At kahit naman daw manager eh, hindi rin siya lilipat dahil walang problema sa pagitan nila ng Tita Becky Aguila niya.
Nag-react man daw ang mga fans niya sa Wowowee sa naging pagbibiro sa kanya ni Willie Revillame, na nadamay ang kanyang mahal na ina. Hindi raw ito ininda ni Valerie dahil kilala na raw niya kung paano talagang magbiro si Willie.
Maliwanag, hindi raw aalis si Valerie sa Wowowee and for that matter sa ABS-CBN, ha? Unless, sila ang mag-decide ng gano’n.
“So far, nag-e-enjoy po ako sa trabaho ko as one of the hosts sa Wowowee. May times na hindi maiintindihan ng mga tao ‘yung parang private jokes na rin na nabo-broadcast nga sa ere. Eh, alam naman natin kung gaano’ng kabiro talaga si Pappy.”
Naku, bakit nga ba inaabangan na lang ang lahat ng lilipat sa
TV5 kasi. Shake na shake na ba ang isip ng mga tao kung sino ang mamamayagpag sa nasabing istasyon?
The Pillar
by Pilar Mateo